EDITORYAL - Face-to-face classes, ipagpaliban muna

Naghahatid ng pangamba ang plano ng Department of Education (DepEd) na tuloy na raw ang face-to-face classes sa Pebrero. Ito ay sa kabila na mataas ang kaso ng COVID-19 at mayroon nang limang namatay dahil sa Omicron variant. Bukod dito, sinabi ng Department of Health na nasa bansa na ang “Stealth Omicron”. Nasa lahat na raw ng rehiyon sa bansa ang Stealth Omicron. Ayon sa DOH, iba raw ito kaysa sa orihinal na Omicron variant.

Nakapagtataka na kung kailan pa dumami ang kaso ng COVID at nasa Alert Level 3 ang maraming­ lugar sa bansa saka naman nagmamadali ang DepEd sa pagbubukas ng face-to-face classes. Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, inirekomenda na umano niya kay President Duterte ang pagpapa­tuloy ng face-to-face classes at pumayag naman umano ito. Wala na umanong makakapigil sa expansion ng face-to-face sa susunod na buwan. Sinabi rin ni Briones, na maganda ang pilot implementation ng face-to-face noong Nobyembre 2021 at wala ring naiulat na nagka-COVID sa mga estudyante at guro.

Totoong mas maganda ang face-to-face classes kaysa sa online learning. Sa online learning, mas maraming estudyante umano ang walang gaanong nalalaman at may mga kaso pa ng pagkokopyahan. Problema rin kung walang gadgets ang estudyante sapagkat hindi makasabay sa pag-aaral online. Sa pag-aaral, nabatid na maraming bata (8-anyos) ang hindi makabasa at makasulat mula nang mag-umpisa ang online learning. Hindi rin naman matulungan ng magulang ang kanilang mga anak sa mga aralin sapagkat karamihan ay nagtatrabaho.

Hindi sana magmadali ang DepEd sa pagbabalik sa face-to-face. Mataas pa ang kaso ng COVID at baka naman sa pagmamadali, magkasakit ang mga bata at guro. Mas malaking problema ito kapag nangyari.

Ipagpaliban muna ang face-to-face. Kapag bumaba na ang kaso, saka ituloy. Isa pa, maraming bata pa ang hindi bakunado. Magsisimula pa lamang bakunahan ang mga bata sa Pebrero 4. At ang mga guro, lahat ba ay bakunado na?

Show comments