Maraming kadahilanan kapag tumutunog o maingay ang tiyan. Ang tunog na naririnig ay maaaring galing sa small intestines at hindi sa tiyan. Ang masel ng bituka ay talagang humihilab at tumutunog. Ito’y para gumalaw ang likido at hangin sa loob ng tiyan.
Puwedeng tumunog ang tiyan kung gutom o kahit busog. Normal lang magkaroon ng tunog ang tiyan. May mga pagkakataon na mas malakas ang tunog o pagkulo ng tiyan.
Narito pa ang mga posibleng dahilan kaya kumukulo o tumutunog ang tiyan:
1. Kapag nagugutom, humihilab ang sikmura at bituka para ilabas ang natitirang pagkain na kinain. Kapag nakakain na ay mas tatahimik na ang tiyan.
2. Kapag na-stress, puwedeng may paikot-ikot na sakit sa tiyan, kasama na ang paghilab ng bituka. Ito ang tinatawag na “butterflies in your stomach.”
3. Kapag nakakain ng panis o nakainom nang maruming tubig, puwedeng humilab ang tiyan bago magtae. Gastroenteritis o impeksyon na nakuha sa maruming pagkain at tubig ang dahilan nito. Uminom nang maraming likido (tubig, sopas o lugaw). Kumain ng saging.
4. Kapag may ulcer o hyperacidity, sumasakit sa itaas ng tiyan sa lugar ng sikmura. Ang sakit na ito ay kadalasang nararamdaman kapag gutom. Nababawasan ang sakit kapag kumain ng saging o tinapay. Uminom din nang maraming tubig para mahugasan ang asido sa tiyan.
5. May iba pang dahilan ang pagkulo ng tiyan tulad ng bulate, bato sa apdo (gallbladder stone) at kanser. Kumunsulta sa doktor.
6. Kahit gaano kasuwerte sa buhay, huwag na huwag kalilimutan ang Diyos na gumagabay. God bless.