EDITORYAL - Mahal na rin ang pandesal
Sa susunod na buwan, ang paboritong pandesal ng mga Pilipino ay magmamahal na rin dahil sa pagtaas ng presyo ng arina at asukal. Ang bawat piraso ng pandesal ay magiging P2.35 na mula sa dating P2.55. Magmamahal din ang Pinoy Tasty mula sa dating P35.00 ay magiging P38.00 na ito. Ayon sa Philippine Baking Industry Group (PhilBaking), ang 25-kilo bag ng arina ay P995 na mula sa dating P690. Nagmahal din ang presyo ng asukal at liquefied petroleum gas. Huling nagtaas ng presyo ang tinapay noong 2016.
Pandesal ang karaniwang kinakain ng mga Pinoy sa almusal. Kahit walang palaman at sawsaw-kape lang, solb na ang umaga at puwede nang pumasok sa trabaho o sa eskuwela. Lumilipas ang umaga sa pamamagitan ng pandesal. Ang sampung pirasong pandesal ay busog na ang mag-anak.
Ngayong magmamahal na ang bawat piraso ng pandesal, malaking problema ito sa isang padre de pamilyang kumikita ng karampot para makabili ng pandesal na kakainin nila sa almusal. Lalo pa nga at sa panahong ito ng pandemya na marami ang nawalan ng trabaho dahil sa pinatutupad na restrictions.
Marami ang padamput-dampot ng trabaho. Hindi malaman ng ama kung saan hahagilapin ang susunod na kakainin ng kanyang pamilya. Mula nang ipatupad ang Alert Level 3 sa National Capital Region (NCR) at iba pang lugar, maraming naapektuhan ang ikinabubuhay. May pansamantalang isinara ang establisimento dahil hindi na kinaya ang gastos. Marami rin ang nalugi kaya nagbawas ng trabahador. Marami rin naman ang naapektuhan ng bagyong Odette na tumama noong nakaraang taon.
Ang balak na pagtataas sa presyo ng tinapay ay nararapat namang rebyuhin ng Department of Trade and Industry (DTI). Makatwiran bang itaas agad ang presyo lalo na ang pandesal sa ganitong sitwasyon. Kawawa naman ang mga mahihirap na labis na maaapektuhan ng pagmamahal ng pandesal. Gumawa sana ng paraan ang pamahalaan ukol dito.
- Latest