EDITORYAL - Excise tax sa petrolyo suspendihin muna

Kahapon, muling nagtaas ng presyo ang mga kompanya ng langis. Nagtaas ng P0.90 bawat litro ng gasolina, P1.80 sa diesel at P2.30 sa kerosene. Ito ang ikatlong sunud-sunod na linggong pagtataas ng petroleum products at tila hindi na ito binibigyang pansin ng Department of Energy (DOE) na pinamumunuan ni Sec. Alfonso Cusi. Mas pinagkakaabalahan ba ang pulitika kaya wala nang panahon sa sunud-sunod na oil price hike? Wala nang pakialam sa epekto ng pagtaas ng gasoline at diesel na ang mga mahihihirap ang nagpapasan.

Maaari namang suspendihin ang taripa sa petrolyo para bumaba ang presyo pero hindi ito ginagawa. Nakasaad naman sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN law) na kapag umabot na $80 bawat bariles ng langis sa buong mundo, maaaring suspendihin ang buwis sa mga produktong petrolyo. Sa kasalukuyan, $79 na ang bawat bariles ng langis at posibleng maging $80 na ito sa susunod na linggo. Puwede nang ihinto muna ang pagkolekta ng tax sa petroleum products. Noong 2019, nakakolekta ang pamahalaan ng P42.7 bilyon sa excise tax sa petroleum products. Noong 2020, nakakolekta ng P41.6 bilyon at noong 2021, P47.9 bilyon. Sabi ng pamahalaan ang nakokolektang buwis ang panustos sa “Build, Build, Build Program”.

Huwag munang kumolekta ng buwis para mapagaan ang pasanin ng mamamayan sa sunud-sunod na oil price hike. O kung ayaw namang suspendihin, magbigay muli ng ayuda sa mga apektadong drayber ng pampublikong sasakyan. Noong nakaraang Nobyembre, naglaan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng P1 bilyong pondo para iayuda sa mga drayber ng pampublikong sasakyan. Bigyan muli ang mga apek­tadong drayber kung hindi magagawang suspendihin ang excise tax sa petroleum products. Magpapa­tuloy pa ang pagtaas ng gasoline at diesel sa mga susunod na buwan at walang ibang kawawa kundi ang mga drayber. Hindi naman sila papayagang mag­taas ng pamasahe.

Pinakamainam na paraan ay ang pagsuspende sa buwis na pinapataw sa petrolyo.

Show comments