EDITORYAL - Desenteng evacuation centers, dapat nang itayo

WALANG nakaaalam kung hanggang kailan mamamalagi sa evacuation centers ang mga biktima ng Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao. Posibleng matagalan pa sila roon sapagkat hanggang ngayon ay hindi pa lubusang naibabalik ang mga linya ng kuryente na grabeng sinalanta ni Odette. Sira pa rin ang komunikasyon dahil bumag­sak ang mga poste.

Tinatayang 4.6 milyon ang mga evacuees. Ang kanilang mga bahay ay winasak at pati pinagkukunan ng ikabubuhay ay binagsak.

Ang pinakamatinding nararanasan ng mga biktima ng bagyo ngayon ay ang miserableng kalagayan sa evacuation centers. Maraming dumaraing sapagkat walang malinis na tubig at palikuran sa evacuation centers. Dahil sa kakulangan nang malinis na tubig, marami ang nagkakasakit, partikular ang mga bata. Kumakalat ang sakit dahil sa miserableng kalagayan ng evacuess.

Ayon sa report, 80 na ang nagka-diarrhea at gastroenteritis sa Dinagat Islands at 54 sa Siargao. Mayroon na rin umanong nagkakasakit sa Cebu. Malinis na inuming tubig ang problema ng mga evacuees. Problema rin sa evacuation centers ang kawalan ng barriers sa bawat pamilya kaya wala nang privacy.

Taun-taon, 20 bagyo ang tumatama sa bansa at karamihan sa mga ito ay malalakas at sumisira ng mga bahay. Bukod sa bagyo, pumuputok din ang mga bulkan at nagkakaroon din nang malalakas na lindol.

Sa kabila nito, walang nakahandang evacuation centers ang pamahalaan. Kapag dumating ang delubyo, walang pagdalhan sa mga tao. Karaniwang sa mga school dinadala kaya apektado rin ang pag-aaral. Mabuti na lang at hindi ginagamit ngayon ang mga school dahil sa COVID. Walang face-to-face classes.

Magtayo nang maayos na evacuation centers sa bawat bayan para mayroong pagdadalhan sa mga biktima ng kalamidad. Matibay na evacuation­ center na kumpleto sa pangangailangan. Ito ang nararapat tuunan ng pansin ng susunod na pama­halaan.

Matuto na sa mga nakaraang hagupit ng bagyo at mga pagputok ng bulkan na laging pinuproblema ang pagdadalhan sa mga apektadong tao.

Show comments