ANG normal na dalaw ng regla (menstruation) ay mula 21 hanggang 35 araw. Ito ang panahon na kumakapal ang matris at nalalagas ito sa pagkakaroon ng regla. Kadalasan, tumatagal ng mula 2 hanggang 7 araw ang regla.
May mga babae na irregular ang menstruation. Minsan mahina ang regla, at minsan masyadong malakas at tumatagal ng lampas 7 araw. Minsan naman ay mahaba ang pagitan sa pagdating ng menses (lampas 35 araw).
Heto ang mga posibleng dahilan:
1. Pagbubuntis – Kung may problema sa pagbubuntis tulad ng ectopic pregnancy (sa labas ng matris nabuo ang fetus), magiging irregular ang regla.
2. May bukol sa matris – Posibleng may kondisyon sa matris tulad ng myoma, ovarian cyst, polyp at iba pang bukol. Magpasuri sa doktor.
3. Pag-inom ng gamot – Ang pag-inom ng aspirin at warfarin ay nakalalabnaw ng dugo. Dahil dito, posibleng lumakas ang pagdurugo. Ang pag-inom ng gamot sa depression at utak ay puwede rin magpahinto ng regla.
4. Stress – Bukod sa stress, ang pag-trabaho sa gabi o night-shift workers ay posibleng magdulot ng irregular menses. Nagugulo ang tamang oras ng katawan.
5. Paninigarilyo – Ang sigarilyo ay posibleng magdulot ng irregular menses.
6. Sobra sa pag-ehersisyo – Kapag matindi ang ehersisyo, aakalain ng katawan na ikaw ay may “stress”. Dahil dito at pansamantalang titigil ang regla.
7. Kulang sa nutrisyon – Kung kulang ang sustansya ng iyong kinakain, magkukulang ka sa dugo at magiging maputla ang regla.
8. Menopause – Ang pangkaraniwang edad ng menopause ay mula 48 hanggang 55. Nagiging irregular ang regla, humihina at tuluyang titigil na.
9. Mga sakit sa thyroid tulad ng hyperthyroidism at hypothyroidism. Ang PCOS (polycystic ovary syndrome) ay nagdudulot ng hormonal imbalance at pagloloko ng regla. Kumonsulta sa doktor.
Magpasuri sa Obstetrician-Gynecologist (OB):
Ang iyong OB ay magsasagawa ng eksaminasyon sa puwerta (pelvic examination). Magpapakuha din ng CBC para malaman kung kulang sa dugo (anemia).
Ang Ultrasound ng Matris (Ultrasound of the Abdomen and Pelvis) ay makatutulong para malaman kung may bukol sa matris, obaryo at iba pang parte.
Depende sa makikitang sakit, magbibigay ang doktor ng tamang gamutan. Minsan ay nagbibigay ng “pills” ang doktor para maging regular ang regla.