Kapwa multi-bilyonaryo sina Sen. Pacquiao at Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis Chavit Singson. Dating sanggang-dikit na magkaibigan pero ngayo’y mortal na magkaaway. Alam na ng lahat ang dahilan ng kanilang pagiging magkaaway kaya hindi ko na ikukuwento pa.
Ang pagkakaiba lang nina Pacquiao at Singson, maaring maubos ang bilyones ng una (Pacquiao) dahil retirado na siya sa pagboboksing na pangunahing pinagmumulan ng kanyang salapi. Ngunit dahil sa mga negosyo ni Singson, mahirap nang ubusin ang kanyang salapi gumastos man siya nang gumastos.
Si Pacquiao ay palaging namumudmod ng pera sa mga taong pumipila nang mahaba sa kanya. Pero kakaiba si Singson. Noong bisperas ng Bagong Taon sa kanyang bayan sa Ilocos Norte. Sa pagkalabit niya sa gatilyo ng isang kulay gintong baril-barilan, sumambulat sa ere ang mga P500 at P1,000 papel. Nag-agawan ang sandamakmak na taong walang face mask.
Nakatikim tuloy ng binatikos ng ilan si Singson sa pagiging iresponsable sa harap ng muling tumitinding kaso ng COVID-19. Nag-viral sa You Tube ang naturang video ng pagpapakalat ng pera ng mayor.
Sa tingin ko, mali ang pamumudmod ng salapi sa mahihirap sa harap ng publiko. Ginagawang mukhang dayukdok ang mga tao. Nawawalan ng dignidad at dangal. Mabuti-buti ang ginagawa ni Pacquiao dahil nakapila nang mayos ang tao ngunit hindi pa rin ito wasto. Puwede naman itong gawing pasikreto at walang media coverage.
Pero sa ginawa ni Singson, nagmukhang timawa ang mga taong nag-agawan sa salaping pinaulan niya. Tingin tuloy ng iba, parang nagpapasiklaban sina Pacquiao at Singson kung sino ang mas galante sa kanila. Kung sinsero ang layunin ninuman sa pagtulong sa kapwa, puhunan ang ibigay para makapagnegosyo para hindi na kailangang ayudahan sa susunod.