EDITORYAL - Tuloy ang Pasko kahit may pandemya’t delubyo
Dalawang taon nang kapiling ng mga Pilipino ang nakamamatay na virus. Ito ang ikalawang Pasko na may pandemya na nagpadapa at nagpabagsak sa ekonomiya ng bansa dahilan para mawalan ng ikabubuhay ang marami.
Subalit sa kabila na marami ang kapos ngayong Pasko dahil nawalan ng trabaho, gumagawa sila ng paraan para maipagdiwang ang araw na ito. Kahit na sinasabi nang marami na hindi sila makakatikim ng hamon ngayong Pasko, marami pa rin ang nakapila sa tindahan ng hamon. Kahit retaso ng hamon ay nagpipilit bumili para may pagsaluhan ang pamilya ngayong Pasko.
Kahit na binayo ng Bagyong Odette ang Visaya at Mindanao na nag-iwan nang mahigit 200 patay, tuloy pa rin ang Pasko. Marami pa rin ang nagpilit bumangon at itinayo ang natumbang Christmas tree sa salas ng napinsalang bahay. Isinabit pa rin ang lumang parol sa bintana at nilagyan ng ilaw. Nilagyan ng adorno ang Krismas tri na inabot ng baha. Kahit walang ilaw ang Krismas tri at parol, may hatid pa ring saya.
Kahit maraming binaha na halos umabot sa ikalawang palapag ng kanilang bahay at kailangang umakyat sa bubong para makaligtas sa rumaragasang agos, nananatili pa rin ang ngiti sa mga labi at nagpapahiwatig na lilipas din ang lahat. Mawawala rin ang baha at ang iba pang inanod na layak at mga basura.
Kahit may mahal sa buhay na pumanaw dahil sa virus, unti-unti nang natatanggap at malaki ang pag-asang bumahaw ang sugat. Dalangin ng mga naulila sa pamahalaan na madaliin pa ang pagbabakuna para marami ang maproteksiyunan at makaligtas.
Ang Pasko ay may hatid na pag-asa. Lahat nang mga masasakit, masasama at traumatic na naranasan ay alam nilang mapapawi at lilipas din. Sa kabila ng unos at pananalasa ng virus, makikita pa rin sa dako roon ang kislap nang maliwanag na umaga. Babalik din sa normal ang lahat.
- Latest