Una sa lahat, bumabati muna ako ng Merry Christmas sa lahat.
Totoo ba ito? Dahil daw sa food poisoning, nabuking na “binabayaran at ginagamit sa pulitika” ang dalawang organisasyon sa lalawigan ng Quezon. Ito ang alegasyon ng mga taong bumabatikos kay Quezon Governor Danilo Suarez, bagay namang pinabulaanan ng dalawang organisasyon.
Walang bago. Ganyan naman ang gawi ng ilang pulitiko bilang bahagi ng pagpapalakas ng kanilang political machinery, hindi ba? Ang kuwestiyunable lang ay ang pinagmumulan ng pondong pambayad. Kung ito’y mula sa kaban ng bayad, aba eh, palso Iyan at dapat siyasatin!
May 111 katao, kabilang ang ilang empleyado ng Capitolio ng Quezon Province ang na-food poisoning kamakailan at isinugod sa pagamutan sa Lucena. Naganap ang insidente sa Quezon Convention Center kahapon. Ang okasyon umano ay ang distribusyon ng salaping honorarium sa trabaho nila.
Ang maraming biktima umano ay kabilang sa Provincial Union of Leaders against Illegalities (PULI) at Luntiang Katipunero (LK) mula sa mga bayan ng Infanta, Tagkawayan, Tiaong, Calauag, Guinayangan, San Francisco, Dolores, Pagbilao, Lucban, Atimonan, Perez, Panukulan, Candelaria, Mauban, Lopez, Sariaya, Plaridel, Burdeos, Perez, Polillio, Sariaya, Quezon, lunsod ng Lucena at Tayabas.
Sa kanyang Facebook account, si Governor Danilo Suarez ay humingi ng paumanhin at pang-unawa sa mga nalason at sinabing isolated cases lamang ang mga ito. Makaraang mag-almusal ng pritong itlog, hotdog at kanin, bigla umanong nakaramdam ng pagkahilo hanggang sa nagsuka ang mga biktima.
Ang mga ito ay isinugod ng mga ambulansya sa Quezon Medical Center at ini-admit sa mga kuwarto na noon ay pinaglagyan ng mga COVID patients matapos lapatan ng paunang lunas. Kaugnay nito, malakas ang mga alegasyon na ang LK at PULI ay ginagamit ng mga Suarez sa kanilang pamumulitika, bagay na kanila namang pinabubulaanan.
Samantala, inaalam pa ang katotohanan sa likod ng ulat na ang catering services na ginamit sa okasyon ay pag- aari diumano ni Tina Talavera na umaaktong hepe ng Provincial General Services Office.