EDITORYAL - Bawal ang paputok

Mula nang maupo si President Duterte noong 2016, ipinagbawal na ang paggawa at paggamit ng paputok sa tuwing magtatapos ang taon. Limang taon nang ipinatutupad ang kautusan at mayroong magandang resulta dahil nabawasan ang mga nadidisgrasya. Ang pagbabawal sa paggawa at pagbebenta ng paputok ay nakasaad sa Executive Order 28 at Republic Act 7183.

Ganunman, kahit may batas na ukol dito, at mayroon pang ordinansa sa bawat lungsod, marami pa rin ang gumagawa at nagtitinda. Marami pa rin ang lumalabag kaya marami pa rin ang nakakabili at ang resulta, mayroon pa ring nadidisgrasya. May mga napuputulan pa rin ng daliri at may mga nabubulag dahil sa paputok.

Kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ang Judas belt, Higad, Osama bin Laden, Goodbye ­Philippines, Bawang, Atomic Bomb, Super Lolo, Pillbox, Super Yolanda at iba pa. Kamakalawa, inilabas na ng Philippine National Police ang listahan ng mga bawal na paputok. Aarestuhin ang mahuhulihan ng mga nasabing paputok.

Kung ano ang bawal, iyon ang gustong bilihin ng mga tao. Marami pa rin ang dumarayo sa Bocaue, Bulacan para bumili ng paputok. Mas malakas na paputok iyon ang gusto nang marami. At ang pagkahumaling sa malalakas na paputok ang nagtutulak para patago itong gawin. Marami umano ang demand. Sabi ng manufacturer ng paputok, balewala rin ang pagbabawal sapagkat marami pa rin ang gumagawa dahil may demand. Kaya para sa mga manufacturer, alisin na ang firecracker ban dahil hindi rin naman naipasusunod nang mahusay.

Pero ang batas ay batas at dapat ipasunod ang batas sa pagbabawal sa paputok. Sabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Vicente Danao, mahigpit nilang ipatutupad sa Metro Manila ang pagbabawal sa paputok. Para rin daw sa kaligtasan ng publiko ang kanilang ginagawang pagbabantay.

Ipatupad ang firecracker ban para maiwasan ang madudugong insidente tuwing sasapit ang pagpapalit ng taon. Maaari namang magsaya sa Bagong Taon na hindi gagamit ng mga mapanganib na paputok.

Dapat din namang tutukan ng NCRPO ang mga pulis na nagpapaputok ng baril sa bisperas ng Bagong Taon. Bantayan ang mga pulis na “makakati ang daliri” sa gatilyo. Marami na ring namatay (karamihan ay bata) dahil sa gawaing ito ng mga pulis at sundalo.

Show comments