Mga bayani, mahalaga kaysa agila SA susunod na taon, gagamitin na ang P1,000 bill na may larawan ng Philippine Eagle. Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ang Philippine Eagle ang ipapalit sa larawan ng tatlong bayani ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang tatlong bayani na papalitan ng agila ay sina Josefa Llanes Escoda, Jose Abad Santos at Vicente S. Lim. Karumal-dumal ang kanilang sinapit sa kamay ng mga Hapones.
Si Escoda ay dakilang civic leader, social worker at tagapagtanggol ng mga kababaihan. Siya ang nagtatag ng Girl Scout of the Philippines at tinagurian ding “Florence Nightingale of the Philippines”. Noong Enero 6, 1945, dinukot siya ng mga Hapones, tinorture at pinatay. Hindi na nakita ang kanyang bangkay.
Si Jose Abad Santos ay naging Chief Justice ng Korte Suprema noong Disyembre 24, 1941 makaraang italaga ni President Manuel Quezon. Nang tumakas sina Quezon sa Corregidor at nagtungo sa Australia, si Abad Santos ang inatasan niyang maging caretaker ng bansa. Nadakip siya ng mga Hapones sa Malabang, Lanao del Sur. Noong Mayo 2, 1942, pinatay siya nang tumangging makipagtulungan at kilalanin ang gobyernong Hapones. Mas minabuti pa niyang mamatay kaysa sumapi sa mga kaaway.
Si Vicente Lim, isang heneral ay nadakip ng mga sundalong Hapones sa Oriental Mindoro. Dinala sa Maynila at ikinulong sa Bilibid. Pinahirapan siya at saka walang awang pinatay noong Enero 15, 1945 sa Manila North Cemetery. Hindi na narekober ang kanyang bangkay. Bago pinatay, ipinasabi niya sa asawa at anak na naninindigan siya at walang pinagsisihan sa ginawang pakikipaglaban sa mga kaaway.
Ang tatlong ito ang pinalitan ng Philippine Eagle. Mas mahalaga pa ang agila kaysa mga taong nagbuwis ng buhay para sa bayan. Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, hindi naman daw winawalang-halaga ang kabayanihan ng tatlo. Naging kalakaran na rin naman daw ngayon ang paglalagay ng fauna at flora sa perang papel. Maraming bansa na rin daw ang gumagawa nito sa kasalukuyan.
Maaari namang ilagay ang Philippine Eagle sa P1,000 bill na hindi masasakripisyo ang larawan ng tatlong bayani. Puwede itong ilagay sa likod. Mas mahalaga ang mga bayani kaysa sa agila kaya nararapat lamang na hindi sila alisin. Hayaang nasa pera ang mga bayani para laging nakikita at naaalala ang ginawang pag-aalay ng buhay para sa Inang Bayan.