Ngayong marami nang bakunang pumapasok sa bansa, may bagong problemang lumutang. Wala nga namang silbi ang bakuna kung walang hiringgilya. Inaakusahan ni DFA Sec. Teddy Boy Locsin Jr. na sumablay na naman ang DOH para makabili ng 50 milyong hiringgilya sa US. Matapos ipahayag ni Locsin ito sa publiko, dumepensa naman si DOH Sec. Francisco Duque III na may nakatakdang budget para sa pagbili ng mga heringgilya.
Dahil dito, umatras umano ang kompanyang Procurenet dahil masyadong mababa ang presyo na itinakda ng gobyerno. Lalabas na P2 lang dapat ang bawat heringgilya. Hindi naman daw puwedeng baguhin ang itinakdang presyo para lamang maibigay ang kontrata sa Procurenet. Ilegal daw iyon. Nakabili raw kasi ang DOH ng 100 milyong heringgilya sa halagang P2.38 bawat isa noong Abril. Bakit pala hindi na makabili ng ganyang presyo ngayon? Wala na ba ‘yung dating supplier?
Kinontra naman ito ni Locsin at sinabing walang kompanya sa buong planeta ang magbebenta ng heringgilya ng P2. Nananaginip daw ang presyo ng DOH. Ang pinakamababang presyo ay nasa P3.50 raw. Binanggit pa na ang UNICEF ay doble ang binabayaran.
Hindi ito ang unang pagkakataon na inakusahan ni Locsin na sumablay ang DOH. Nakabili raw sana ng mga bakuna mula Pfizer noong Enero pero hindi naibigay daw kaagad ng DOH ang mga hinihinging dokumento ng Pfizer. May paliwanag din si Duque noong mga panahong iyon.
Kahit magbangayan sila nang magbangayan o magsisihan, ang mamamayan naman ang talo nito. Kung walang heringgilya, paano sila mababakunahan? At kailan naman kaya masosolusyunan ang problema ng heringgilya? Baka naman abutan ng expiration ang mga bakuna. Marami ang nais mabakunahan. Huwag lang makapasok ang Omicron variant at magkalat ng impeksiyon.
Marami ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang booster kaya may peligro pa rin kait paaano. Pakiramdam na nga nang marami ay tila normal na ang buhay kahit hindi pa kaya huwag naman sana mangyari sa Pilipinas ang katulad ng nangyayari sa Europe kung saan tumaas na naman ang kaso ng COVID.