Bukas o sa makalawa, tinatayang aabutin na natin ang milestone 100 million vaccinations sa pangkalahatan. Sa isang bansang hikahos sa bakuna nang kalagitnaan ng taon, ang 100 million vaccinations bago ang Pasko ay rekord na maipagmamalaki.
Hindi maikakaila ang epekto ng pag-angat ng ating vaccination level. Kasabay ng pagbulusok nito ang pagkontrol sa bilang ng mga impeksyon. Kahapon ay naitala natin ang pinakamababa nang positivity rate mula nang mag-umpisa ang reporting ng resulta. Nasa 1.1% positivity lamang sa buong bansa at sa Metro Manila ay .9% na lang. Ito ay mula sa kasagsagan ng Delta surge noong Agosto at Setyembre kung saan tumaas sa mahigit 26% ang positivity rate. Mantakin natin na kung three months ago, isa sa kada apat mong makasalubong ay positibo, ngayon ay isa lang sa kada isang daan ang may COVID. At sa Metro Manila, mas mababa pa sa isa ang bibilangin.
Ang average natin sa bansa sa nakaraang 10 araw ay mababa sa 500. At sa Metro Manila ay mababa sa 100 kada araw. Kaya mismo ang IATF sa pamamagitan ng chairman na si Gen. Carlito Galvez ay nagpahayag na maganda ang aasahan natin sa Pasko. Malakas din ang loob ni Gen. Galvez dahil sa tagumpay ng tinanghal na National Vaccination Drive noong Nov. 30 hanggang Dec. 2. Sa loob ng panahon na iyon at sa mga araw na sumunod ay kinaya ng sistema na magbakuna ng mahigit na two million kada araw.
Halos 42 million nang Pilipino ang nakakumpleto ng bakuna. Malapit na sa 37.5% ng kabuuang populasyon ang protektado. Sa ganitong bilis ay aabutin natin ang tinatawag nating population protection bago matapos ang taon kung saan 54 million o kalahati ng ating total population ay bakunado.
Patuloy pa rin tayong mag-ingat dahil na rin sa rami ng variant. Gawin natin ito habang ninanamnam ang magandang balita na maghahatid sa atin tungo sa muling pag-angat ng kabuhayan.