Magagandang balita

Sunod-sunod ang magandang balita na natatanggap­ natin ngayon. Ayon kay DILG Sec. Año, 23 cities ang 70 percent ng kanilang populasyon ay kumpleto na ang bakuna. Ibig sabihin, naaabot na nila ang herd immunity. Kabilang sa mga cities ay nasa Metro Manila; Baguio City, Angeles City, Iloilo City, Lapu-lapu City, Mandaue City at Davao City.

Ilang araw na rin na mababa sa 500 ang bilang ng positibong kaso sa bansa. Ayon sa OCTA Research, ang Metro Manila ay nasa “very low risk” na para sa COVID-19. Noong Nobyembre, inulat ng gobyerno na nasa 94 percent ng populasyon ng Metro Manila ay kumpleto na ang bakuna. Milyon-milyon din ang nabakunahan sa tatlong araw (Nob, 29, 30 at Dis. 1) ng pambansang pabakuna ng gobyerno at mauulit sa Dis. 15, 16 at 17. Lahat magagandang balita nga.

Ang hindi magandang balita ay ang walong overseas Pinoy workers na bumalik sa bansa mula South Africa na tila sinadyang nagbigay ng mga maling impormasyon para hindi matunton. Ang isa ay natagpuan na pero ang pito ay nawawala pa. Tila sinadya dahil alam na mainit nga ang mata sa mga manlalakbay mula Sotuh Africa. Baka ayaw ma-quarantine.

Napaka-iresponsable naman nito kung sinadya ngang linlangin ang gobyerno. Pinag-aaralan kung kakasuhan ang walong OFWs kung sinadyang nagbigay ng maling impormasyon sa gobyerno. Huwag naman sana at baka may dala silang Omicron variant ng COVID-19.

Ang mabuting balita naman na natatanggap ngayon ay mukhang hindi malubha ang impeksyon na dulot ng Omicron kumpara sa Delta, ganun pa man, baka maaga pa masyado para matiyak. Kailangan pa rin mahanap ang pitong OFWs.

Nasa Alert Level 2 pa rin ang Metro Manila hanggang Disyembre 15, kahit mababa na ang kaso ng COVID at ito ay dahil sa Omicron variant. Bagama’t mas maluwag na, dapat pa rin mag-ingat. Sa tingin ko nga ay kahit wala nang Alert Level ang Metro Manila, kung umabot diyan, hindi pa rin dapat nawawala ang mga face mask at mag-ingat sa mga lugar na maraming tao kung hindi pa rin lubusang nawala ang COVID-19 sa buong mundo.

Show comments