EDITORYAL - Hayaang mabulok sa bilangguan

Mas gusto pa ng Pharmally executives na makulong kaysa makipagtulungan sa Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa kuwesti­yunableng kontrata nila sa pamahalaan sa pagbili ng pandemic supply. Mas ginusto pa nina Linconn Ong, Mohit Dargani at kapatid na si Twinkle na nasa kabila ng rehas. Sina Linconn at Mohit ay nakakulong sa Pasay City Jail samantalang sa Senado naman nakapiit si Twinkle.

Hinihingi ng komite na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon ang mga dokumento ng financial statements na sinumite ng kompanya sa Bureau of Internal Revenue at Securities and Exchange Commission. Pero matigas ang Pharmally executives kaya nag­pasya na ang Senate Blue Ribbon Com­mittee na ikulong na sa Pasay City Jail ang dalawa (Ong at Mohit) samantalang si Twinkle ay nanatili sa panga­ngalaga ng Senado. Ayon sa Senado, mananatili sa kulungan sina Ong at Dargani hangga’t hindi nila sina­sagot nang maayos ang mga tanong at hindi sila nagsusumite ng mga dokumentong hinihingi ng komite.

Ang kanilang pagtanggi ay lalo nang nagdidiin sa kanila na mayroong anomalyang naganap makaraang makakuha ng kontrata sa pamahalaan sa kabila na ang kanilang capital ay P625,000 lamang. Nakadagdag sa hinala nang mabuking na marami silang mamahaling sasakyan na binili makaraang makakopo nang malaking pera sa pamahalaan.

Lalo pang lumawak ang paghihinala sa kanila nang tangkain ng magkapatid na Dargani na umalis sa bansa noong Nobyembre 14 patungong Malaysia. Isang private airplane ang maghahatid sa kanila subalit nadakip sila ng Senate’s Office of Sergeant at Arms habang pasakay ng eroplano sa Davao City International Airport. Ipinagtataka kung paano sila nabigyan ng pass ng Bureau of Immigration sa Davao City.

Lumalalim ang pag-iimbestiga sa Pharmally. Sa nangyayaring kaganapan ay tila nagsisimula pa lamang­ ang seryeng ito na ilang buwan nang pinag­kakaabalahan ng Senado. Marami ang dapat pang mahalukay na anomalya at sana mayroong mangyari sa pagkakataong ito. Pera ng taumbayan ang naka­taya rito. Mistulang ginisa sa sariling taba ang mamamayan.

Kung ayaw nilang makipag-cooperate o magsalita­, hayaan silang mabulok sa kulungan. Iyan ang nararapat sa kanila.

Show comments