EDITORYAL - Nakahanda ba sa Omicron
SABI ng Department of Health (DOH) wala pa sa bansa ang COVID-19 variant na Omicron. Ayon kay DOH Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, habang nagpuputukan na sa ibang bansa ang Omicron, dito sa Pilipinas ay wala pang nakakapasok. Patuloy umano ang monitoring ng DOH sa mga Pinoy na nanggagaling sa Africa. Ang tatlong Pinoy na galing South Africa noong nakaraang linggo ay pawang negatibo sa Omicron. Pitong Pinoy pa na galing South Africa ang naka-isolate na.
Sabi pa ni Vergeire, hindi pa dapat magpanic ang publiko sa Omicron.
Una nang sinabi ng World Health Organization (WHO) na mas mabangis ang Omicron kaysa Delta variant. Unang na-detect ang Omicron sa South Africa. Highly mutated umano ang variant na ito. Sa kasalukuyan, 23 bansa na ang nakitaan ng Omicron. Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, masyado nilang sineryoso ang variant na ito. Lagi umano silang nakaantabay sa development ng variant.
Sabi ni Health Sec. Francisco Duque, kapag nakapasok sa bansa ang Omicron, nakahanda na umano ang mga ospital ma-pribado at pampubliko man sakali at magkaroon ng surge ang Omicron. Sabi ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP) titiyakin nilang may sapat na oxygen at bakanteng higaan sakali at magkaroon g surge ng Omicron. Marami na umanong health facilities sa bansa ang wala nang gaanong COVID patient kaya marami nang bakanteng kama.
Ang isang magiging problema ng DOH at mga ospital ay ang kakulangan ng health workers dahil marami nang nagsipagbitiw dahil sa hindi ipinagkakait ang kanilang mga benepisyo. Patuloy na nananawagan ang health workers sa pamahalaan na ipagkaloob na ang kanilang inaasam na special risk allowances (SRA) at iba pang benepisyo.
Mahirap paniwalaan kung totoong nakahanda ang gobyerno sakali’t magkaroon ng surge ang Omicron. Kulang ang mga nurses sapagkat nagsipagbitiw na. Saan hahagilap ng mga mag-aasikaso sa pasyente? Noong Oktubre, kinuha ang serbisyo ng mga nurse sa PNP at AFP para matulungan ang mga pasyente sa mga ospital. Pero kahit kunin ang serisyo nila, kulang pa rin dahil sa rami ng nagkakasakit. Mahalaga ang serbisyo ng health workers lalo sa panahon ng pandemya kaya hindi dapat sila pinababayaan. Dapat pag-isipan ito ng gobyerno.
- Latest