EDITORYAL - Malaking hamon ang WPS sa mahahalal na Presidente

HINDI maliit na problema ang nangyayari sa West Philippine Sea (WPS) ngayon. Habang tumatagal, bumabangis ang China at ipinipilit na kanila ang mga grupo ng isla na napanalunan ng Pilipinas arbitrary ruling noong 2016. Hindi nila pinapansin ang ruling at iginigiit ang kanilang historic rights at ang sinasabi ng Beijing na “nine-dash line’’. Ang Pilipinas pa nga raw ang pumapasok o nagti-trespassing sa kanilang teritoryo.

Dalawang linggo na ang nakararaan, binomba ng tubig ng tatlong Chinese Coast Guard (CCG) ang dalawang bangka ng mga Pinoy na maghahatid ng suplay sa Ayungin Shoal para sa mga sundalong naroon at naka-station sa grounded vessel BRP Sierra Madre. Umatras ang mga Pinoy sa ginawa ng CCG.

Ang matindi pang demand ng China, alisin na ng Pilipinas ang kinakalawang na BRP Sierra Madre sa Ayungin dahil nakipag-commit na raw ang Pilipinas ukol dito. Dapat daw sumunod ang Pilipinas sa pinag-usapan noon. Pero sabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, walang commitment ang Pilipinas kaugnay sa BRP Sierra Madre. Ang Ayungin ay pag-aari ng Pilipinas na ginawaran ng arbitrary ruling noon pang 1982. Ang China umano ang pumapasok sa pag-aari ng Pilipinas.

Ang isyu sa WPS ay malaking hamon sa mga tumatakbong presidente. Kaya ba ng mananalong presidente ang problemang ito? Ano ang paninindigan nila rito? Ano ang kanilang gagawin para maipaglaban ang teritoryo?

Sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 82 percent ng mga Pilipino ay nagsabing dapat ang susunod na presidente ay handang ipaglaban ang karapatan sa WPS. Dapat dibdibang ipasunod ang desisyon ng Court of Arbitration.

Malaking puntos ang matatamo ng presidentiable na maninindigan at ipaglalaban ang karapatan sa WPS. Kailangang malaman kung ano ang gagawin ng mga tumatakbong presidente sa ginagawa ng China na pag-angkin sa mga isla sa WPS. Ihayag ang kanilang gagawin ngayon pa lang.

Show comments