Maraming nagalit at nainsulto sa sinabi kong GANG ang isang brotherhood o fraternity. Nagmula ang persepsiyon at pagkakakilala ko sa grupong ito noong ako’y nag-aaral pa lamang sa high school.
Ang mga pumalag na miyembro, nag-demand ng public apology na ginawa ko naman. Pero kaklaruhin ko, iba ang paghingi ng tawad sa paumanhin. Ang humihingi ng tawad ay ‘yung may ginawang kasalanan. Wala akong krimeng ginawa kundi pagkakamali lamang na maaari pang maituwid.
Ganunpaman, matindi ang kanilang galit at umabot sa rally sa labas ng aming tanggapan noong Sabado kung saan wala kaming pasok. Noong mga oras na ‘yun, nagkakape ako’t kumakain ng sumang halaya sa bahay.
Lumusob ang daan-daang miyembro ng kapatirang ito at nagsisigawan sa labas ng tanggapan na naging dahilan ng matinding traffic sa kalsada at abala sa mga gusaling nakapalibot sa Timog, Quezon City.
Nakaabot sa akin ang kanilang pagsugod sa aming opisina mula sa mga security guard ng building. Nagpadala sila ng video sa akin matapos ipagtabuyan ng Quezon City Police at SWAT ang mga nagra-rally. May mga nagtangkang pumasok sa gusali kung nasaan ang tanggapan ng BITAG subalit, matapang na nakahilera ang mga security guard ng building sa labas, sa main entrance nito.
Nakakabahala ang mga eksena, may kasamang mga bata ang mga miyembro ng kapatirang ito habang nagmumura sa labas ng aming tanggapan. Ang siste, wala pala itong basbas sa kanilang mga leaders sa itaas at labag sa kanilang doktrina bilang humanitarian brotherhood.
Sa pakikipag-ugnayan ng BITAG sa mga opisyal ng grupong ito, inamin nilang may “hindi naging maganda ang simula ng grupo.” Normal naman ito sa bawat malalaking organisasyon, hindi puwedeng para kang putok sa buho na wala kang pinagmulan. Pero ang humble beginnings na ito ang nagpatatag sa grupong ito ngayon.
Salamat sa mga edukado’t propesyunal na mga opisyales ng AKRHO na patuloy na nakikipag-ugnayan sa BITAG. Nalilinawan ang mga isyu na sa una pa lang, minasama at binigyan ng maling kahulugan ng mga miyembro nila sa ibaba.
Habang inaantay ko ang pagdating sa aking tanggapan ng mga inanyayahan kong mga respetadong opisyal ng AKRHO, hinahanap ng BITAG ngayon ang ulo ng rally na nanggulo’t namerwisyo sa labas ng aming tanggapan.
Magpakita ka sa akin at personal kang makipag-usap sa aking opisina. Ipakikita ko sa’yo ang tamang pagrespeto at paggalang sa organisasyong kinabibilangan mo!