EDITORYAL - Bantayan ang Omicron
May tatlong kaso na ng Omicron sa United Kingdom at isa sa Japan. Mayroon na rin umano sa Hong Kong. Ang Omicron ang bagong COVID variant na nagmula sa South Africa. Kinuha ang pangalan sa 15th letter ng Greek alphabet. Ayon sa health experts mas mapanganib daw ang Omicron kaysa Delta variant. Ayon sa World Health Organization (WHO), may malaking bilang ng mutation ang Omicron kaya nakababahala. Mabilis ang pagkalat nito kumpara sa Delta variant sapagkat sa kasalukuyan, marami nang bayan sa South Africa ang mataas ang kaso. Nakita ang unang kaso ng Omicron sa South Africa noong Nobyembre 9. Nagbigay ng babala ang WHO sa lahat ng mga bansa na paigtingin ang pagbabantay at laging imonitor ang variant.
Hindi na dapat maulit ang nangyari nang makapasok ang Delta variant sa bansa noong nakaraang Marso. Hindi ito na-monitor. Bigla na lamang napabalita na mayroon nang infected. Unang nakita ang Delta mula sa mga pasaherong galing sa ibang bansa. Huli na nang malaman. Hindi nakapaghanda. Ang Delta variant ang nanalasa sa India noong Mayo na marami ang namatay. Sa rami ng namatay, sa open space na lamang sinusunog ang mga bangkay. Ang ibang bangkay, ipinaaanod na lamang sa Ganges River.
Ipinatupad na ang travel ban sa pitong bansa noong Biyernes. Bawal nang pumasok ang mga galing South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini at Mozambique. Tatagal ang travel ban sa mga nasabing bansa hanggang Disyembre 15. Pinag-aaralan na rin kung magpapatupad ng travel ban sa mga manggagaling sa Hong Kong.
Kamakalawa, tatlong Pinoy na nanggaling sa South Africa ang inilagay sa isolation nang dumating sa Negros Occidental. Dumating sila sa bansa noong Nobyembre 26. Kahapon muli silang sumailalim sa swab test.
Huwag papasukin sa bansa ang mga eroplanong galing sa mga bansang may mataas na kaso ng Omicron. Hindi na dapat maulit ang nangyari na kaya nakapasok sa bansa ang Delta variant ay dahil sa sobrang kaluwagan ng pamahalaan at hindi maayos na pag-monitor dito. Marami nang aral na nakuha sa nakaraang pananalasa ng variant at hindi na ito dapat mangyari uli.
- Latest