^

PSN Opinyon

Bawal magpa-sweet

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Bawal magpa-sweet
Importante ang matiyagang pag-monitor ng blood sugar para makontrol ang diabetes.

Nobyembre ang National Diabetes Awareness Month. Access to Diabetes Care ang tema ngayon. Ito ang panahon kung kailan nabibigyan tayo ng oportunidad taun-taon para mas paigtingin pa ang kampanya laban sa diabetes. 

Kinumpirma ng mga health expert sa aking online show na Pamilya Talk, na diabetes pa rin ang isa sa mga nangungunang nakamamatay na sakit sa Pilipinas ngayon. 37,265 na Pilipino ang namatay noong 2020 dahil sa diabetes. Ayon sa endocrinologist na si Dr. Cecilia A. Jimeno ng UP College of Medicine, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), pang-apat ang diabetes sa mga itinuturing na killer disease sa ating bansa noong nakaraang taon.  Sakit sa puso ang nangunguna (99,680 deaths), cancer ang pumapangalawa, (62,289 deaths), at cerebrovascular diseases ang pumapangatlo (59,736 deaths).

Ayon naman sa World Health Organization (WHO), diabetes ang ika-siyam sa mga killer disease sa buong mundo, at grabe ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng diabetes taun-taon. Sa buong mundo, mahigit 422 milyong tao ang may diabetes. Dagdag pa ng WHO, noong 2019, 1.5 milyong indibidwal ang pumanaw dahil sa sakit na ito.

Diabetes 101

Nagkakaroon ng diabetes kapag ang pancreas ay hindi gumagawa ng sapat na insulin, o kapag ang katawan ay hindi epektibong nagagamit ang insulin na ginagawa nito. Ang insulin ay isang hormone na kumokontrol sa asukal sa dugo. Kabilang sa mga komplikasyon ng diabetes ang pagkabulag, kidney failure, atake sa puso, stroke, at posibleng humantong pa ito sa pagputol ng binti.

Mga uri ng diabetes

May dalawang pangunahing uri ng diabetes: Type 1 at Type 2. 

Ang dalawang uri ng diabetes ay may kaugnayan sa paraan ng pag-regulate ng iyong katawan sa asukal sa dugo, o glucose. Ang glucose ay mistulang tagabigay-enerhiya sa cells ng iyong katawan.  Ngunit upang makapasok ito sa iyong cells, kailangan nito ng isang susi.  Ang insulin ang susi.

Ang mga taong may type 1 diabetes, tulad ng multi-awarded singer-songwriter na si Gary Valenciano, ay hindi kayang gumawa ng kanilang katawan ng insulin. Kaya para silang walang susi.

Paliwanag ni Dr. Jimeno, “Ang lumang tawag sa type 1 diabetes ay insulin-dependent or childhood-onset diabetes. Sira ang pancreas nila, and since the pancreas is destroyed, hindi na sila nag-po-produce ng insulin. Kaya wala silang insulin – yun yung hormone o chemical sa katawan natin na nag-re-regulate ng blood sugar natin. Ang gamot sa type 1 ay insulin-injection. Pag tinamad silang mag-inject, ma-e-emergency sila.” 

Ang mga taong may type 2 diabetes (non-insulin-dependent or adult-onset) ay hindi sapat ang ginagawang insulin ng katawan. Ito ay maihahalintulad naman sa pagkakaroon ng sirang susi. Higit sa 95 porsiyento ng mga taong may diabetes ay may type 2 diabetes.

Pagbabahagi ni Dr. Jimeno, “Type 2 yung pinaka-common. Ito yung namamana. Pero kahit namamana mo siya, kung bata ka pa at maingat ka kumain, nag-eexercise ka, may posibilidad na maiwasan mo yung type 2 diabetes. Pero kahit wala ka namang family history, puwede ka pa ring magkaroon ng diabetes if you become overweight at walang exercise. Sa type 2 diabetes, usually, hindi mo kailangang mag-inject ng insulin. Tablet lang ang kailangan mong inumin.”  

Ano pa man ang diabetes mo, type 1 o type 2 man, maaaring lumala ang iyong kondisyon at humantong ito sa napakataas na antas ng asukal sa iyong dugo kapag hindi ka nag-ingat.  Sa ganitong sitwasyon, posibleng maapektuhan ang iyong puso, blood vessels, bato, mata, at mga nerves. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang maagang pagsusuri at paggagamot sa diabetes.

Kabilang sa mga sintomas ng diabetes ay labis na pagkauhaw, malimit na pag-ihi, laging gutom at pagbaba ng timbang sa kabila ng pagpapanatili ng normal na pagkain, mga sugat na matagal gumaling, problema sa balat, pagkapagod, at pamamanhid ng mga paa o daliri ng paa.

Marisa Sanchez at ang kanyang diabetes

Kabilang ang Pinay singer-actress-host na si Marisa Sanchez sa mga na-diagnose na may type 2 diabetes. Ikinuwento ni Sanchez sa mga manonood ng Pamilya Talk na noong lagi siyang nagsusungit, akala niya ay nagkakaroon lang siya ng hormonal imbalance. Iyon pala, napakataas na ng sugar level niya.  Nang lumaon, naglabasan na ang mga sintomas ng

diabetes tulad ng pagkahilo, panlalabo ng paningin, madalas na pag-ihi, labis na pagpapawis at laging gutom.

Sa una, natakot siya sa posible niyang kahinatnan, pati na rin ang hirap sa pagbago ng kanyang lifestyle.  Ngunit sa tulong ng kanyang pamilya, mga kaibigan, at ng kanyang doktor, nalampasan niya ang naging pagsubok.

Sabi ng singer-comedienne na si Marisa Sanchez, importante ang suporta ng pamilya’t mga malalapit na kaibigan tulad ni Tess Cabalo (kanan), para malampasan ang diabetes.

Payo ni Sanchez sa mga may diabetes, magkaroon ng positibong ugali, panatilihin ang healthy lifestyle, inumin ang kanilang mga gamot at sundin ang mga payo ng doktor.

Ang pamilya bilang support system 

Sinasabing ang diabetes ay isang family affair. Binigyang-diin ni Sanchez ang mahalagang papel ng pamilya at mga kaibigan bilang support system para sa mga taong may diabetes, at bilang paraan para ma-manage ang sakit.

Kasama rin sa support system na ito ang mga pharmacist, na isa sa mga pinaka-accessible na health professionals. Regular na pumupunta ang mga tao sa mga botika para makabili ng gamot. Kaya naman ang mga pharmacist ay maaaring magsilbing adviser o tagapayo ng mga taong may mga karamdaman, kasama na rito ang diabetes.

Sabi nga ni Bryan Posadas mula sa Philippine Pharmacists Association (PPhA), “Minsan naaaway kami pag humihingi kami ng bagong reseta.  Akala nila gusto lang namin silang pahirapan kaya pinapabalik sila sa doctor. The reality is, kaya namin kayo pinapabalik sa doctor ay para makita yung progress ng pasyente at kung kailangan bang i-adjust yung dosage, etc. Nire-remind ng pharmacists yung mga patient na, ‘Paubos na ang gamot mo, kailangan mo nang bumalik sa doctor.”

Pag-iwas at paggamot sa diabetes

Para mapigilan ang pagsisimula ng type 2 diabetes, pinaaalalahanan ni Dr. Aurora Macaballug ng Philippine Society of Endocrinology Diabetes and Metabolism (PSEDM) ang publiko na magkaroon ng healthy diet, regular na ehersisyo o physical activity, panatilihing normal ang timbang, at iwasan ang paninigarilyo.   “Ang battlecry namin diyan ay ‘Apat Dapat’ – yung tamang diet, regular exercise, pag-inom ng gamot, at pagpunta sa doctor.  Kailangan may disiplina – diet, exercise, tapos gamot at regular na follow-up --  kailangan kumpleto!”

Importante ang regular na check-up sa doktor para ma-kontrol ang diabetes.

Ang epektibong management ng diabetes ay nakasalalay sa pangangalaga sa sarili ng mga pasyente. Ang pagsunod sa mga niresetang gamot ay mahalagang bahagi ng healthcare. Bukod sa pagsunod sa gamutan, ang pagpapatupad ng lifestyle changes at pagsunod sa payo ng iyong doctor ay mahalaga para hindi lumala ang diabetes. 

Bilang panghuli, binigyang-diin ni Dr. Macaballug na ang mga taong may diabetes ay mas tumataas ang peligro kapag sila ay nagkakasakit. Kaya dapat silang mag-ingat nang husto. Ang mga bakuna ang isa sa mga pinakaligtas na paraan upang maprotektahan ang kalusugan. Kaya bukod sa mga bakuna sa COVID19, ang mga pasyenteng may diabetes ay dapat ding kumuha ng mga sumusunod na bakuna: bakuna sa trangkaso, bakuna sa pneumococcal, bakuna sa TDAP (tetanus, diphtheria, pertussis), bakuna sa Hepatitis B at bakuna sa Zoster.
 

--

Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00 p.m. Monday, Tuesday & Wednesday). You can also follow my social media accounts:  InstagramFacebookYouTubeTwitter and Kumu.  Please share your stories or suggest topics at [email protected]

DIABETES

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with