Labanan ang flu!
Maaaring may nakikita na tayong liwanag sa dulo ng napakahaba at napakahirap na pandemyang ito. Nakikita na natin ang mga batang naglalaro sa lansangan matapos ang halos dalawang taon ng pagkakakulong sa bahay. Bumabalik na rin ang mga “normal” na aktibidad gaya ng pampublikong transportasyon, mga ilang negosyong ngayon ay bukas na, at ang paggala nang walang face-shield. Ngunit mahalaga pa rin na tayo’y mag-ingat. Siguraduhin nating tayo at ang ating mga mahal sa buhay ay ligtas sa sakit.
Dahil sa epekto ng pandemya at sa patuloy pa ring pagdami ng mga kaso ng influenza (flu), lalong mas kailangan ang bakuna laban sa flu. Matutulungan nitong protektahan ang mga madaling tamaan ng karaniwang sakit na ito, lalo na ang senior citizens. Ang proteksyon na ito ay makatutulong ding ibsan ang pag-uumapaw ng ating mga ospital, at ang kawalan ng pahinga ng ating mga frontliner na mas kailangan natin para sa mga kritikal na sakit.
Inanyayahan ko sa aking programang, Pamilya Talk, ang Infectious Disease expert na si Dr. Remedios Coronel, para mapag-usapan namin ang halaga ng papapabakuna ng mga senior citizen laban sa flu.
Mga datos ukol sa flu
Sa isang pangkaraniwang taon, may naitatalang halos isang bilyong kaso ng flu, at halos 650,000 na flu-related deaths, sa buong mundo. Malala ang epekto ng flu sa mga nakatatanda, mga buntis, mga musmos, at mga taong may iba pang mga sakit. Halos lahat sila ay mahina rin ang resistensya laban sa COVID-19.
Mababa ang pagkalat ng flu noong nakaraang taon dahil sadyang naging sobrang maingat ang mga tao noong kasagsagan ng pandemya. Magandang balita sana ito, ngunit dahil matagal nang hindi nakaranas ng flu ang publiko, bumaba rin ang natural immunity natin laban dito.
Sa Amerika, ayon sa kanilang Centers for Disease Control and Prevention (CDC), dahil sa taunang pagbabakuna laban sa flu, naiwasan ng 39,000 hanggang 105,000 na tao ang ma-ospital. Dahil din dito, mula 2010, taun-taon ay naiwasan din ang pagkamatay ng mula 3,500 hanggang 12,000 na indibiduwal. Ang resistensya mula sa flu ay bumababa sa mga taon na ang bakuna ay hindi akma para sa kumakalat na strain noong taong iyon. Pero nagbibigay pa rin ito ng proteksyon mula sa mga matitinding sintomas.
Tulad ng pahayag ni Dra. Coronel, maraming pag-aaral din ang nagsabing ang pagpapabakuna laban sa flu ay nakakapagpalakas din ng ating immune system, na siya naman talagang unang depensa laban sa COVID-19 at iba pang sakit. Idinagdag niya na 5 sa bawat 100,000 na Pilipino sa bansa ay maaaring mamatay mula sa flu, at mas mataas ang tiyansang ito sa mga nakatatanda. Kaya hindi natin dapat ipagpaliban ang taunang pagbabakuna laban dito.
Kalaman ukol sa bakuna
Ayon sa datos, 3 sa 10 tao lamang ang nakakaalam na may bakuna laban sa flu, habang 4 sa 10 naman ang nakakaalam na may pneumococcal vaccine. Mababa rin ang porsyento ng mga senior na nabigyan ng mga bakunang ito. Katunayan, 36% lang ng mga senior citizen ang nabigyan ng bakuna laban sa flu sa pagtapak nila ng 60 years old.
Ang henerasyon ng mga nakatatanda ngayon ang nakaranas ng pagkalat ng polio noon. Kung ipapaalala natin sa kanila ang kanilang naranasan noon sa paglaganap ng polio, at kung maaalala nila na ang pagiging protektado laban sa mga sakit ay kanilang responsibilidad sa kanilang sarili at sa kanilang mga kababayan, posibleng mas mahikayat silang magpabakuna laban sa flu.
Dahil tayo’y nasa gitna pa rin ng COVID-19 pandemic, mas mainam na mabakunahan muna ang mga senior laban sa COVID bago maturukan ng flu at pneumococcal vaccines. Sabi ni Dra. Coronel at iba pang mga eksperto, ang mga matatanda ay dapat maghintay ng dalawang linggo matapos maturukan ng COVID vaccine, bago magpabakuna laban sa iba pang sakit. Hindi ito dahil sa mga side-effect, kundi para mas maging epektibo ang mga bakuna.
Pampublikong kalusugan
Noong 2011, inilunsad ng Department of Health (DOH) ang libreng pagbakuna laban sa flu para sa mga maralitang senior citizen. Pagkalipas ng apat na taon mula noong ito’y sinimulan, ibinigay na rin ito sa lahat ng senior na sakop ng National Policy on Health and Wellness Program for Senior Citizens (HWPSC) sa buong bansa. Sabi ni Dr. Lynnette Gemperle, Chief ng Integrated Non-Communicable Disease Prevention & Control Office ng Manila Health Department, ito ang isa sa mga paraan upang makakuha ang mga nakatatanda ng libreng bakuna. Maaari rin namang makakuha ng mga ito nang libre sa ilang mga kumpanya na nagbibigay nito sa mga pamilya ng kanilang mga empleyado.
Isang beses sa isang taon lamang kailangang kumuha ng flu vaccine, wala pang isang oras ang kailagan para maiturok ito, at wala rin gaanong side effect. Kaya naman nananawagan ako sa mga pamilyang may mga kasamang senior: Maaari po sanang tulungan natin silang mabakunahan laban sa flu.
Sana rin po ay makatulong itong infographic mula sa CDC ng Amerika:
Bilang Pilipino, nagmamano tayo tuwing nakikita natin ang mga nakatatanda. Tayo’y laging nakaalalay tuwing sila’y naglalakad o umuupo, at hinahawakan natin ang kanilang mga kamay tuwing tayo’y nagsisimba.
Kailangan nating kumilos kaagad. Kasagsagan na ng tinatawag na flu season. At kung gusto nating proteksyunan ang ating mga nakatatanda, ang ating pamilya, at ating mga sarili lalo na ngayong napapadalas ang ating pakikihalubilo, maaari po lamang na tayo’y tumawag sa ating mga health center upang kumuha na ng schedule para mabakunahan ang ating mga mahal na lolo at lola.
* * *
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00 p.m. Monday, Tuesday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].
- Latest