Patuloy ang remittances ng overseas Filipino workers (OFWs) kahit may pandemya. Hindi nakasagabal ang pandemya sapagkat patuloy ang buhos ng padala nilang pera. Ito ang dahilan kaya nakakabangon ang sisinghap-singhap na ekonomiya ng bansa. Kung wala ang remittances ng OFWs, mahihirapan ang bansa lalo na ngayong sinagasaan ng pandemya. Paano kaya kung walang OFWs? Nasaan kaya ang bansa ngayon?
Ngayong taon na ito, tumaas pa ng 4.8 percent ang remittances ng OFWs, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Umabot sa $3.03 bilyon ang remittances ng OFWs noong nakaraang Setyembre na mas mataas kaysa noong Setyembre 2020 na $2.89 bilyon. At ayon pa sa BSP, maaari pang tumaas ngayong papalapit na kapaskuhan ang remittances.
Pinakaraming OFWs mula United States ang nagtala nang mataas na remittances na sinundan ng Saudi Arabia, Japan, United Arab Emirates, Singapore, United Kingdom, Canada, Taiwan, Qatar at South Korea. Sabi ng BSP, tataas pa ang remittances ng OFWs ngayong nagbukas na ang ekonomiya sa buong mundo mula sa COVID-19 lockdowns.
Subalit sa kabila na malaki ang naitutulong ng OFWs sa bansa, hindi pa naipapasa ang panukalang batas na magtatatag sa Department of OFWs Kasama sa campaign promise ni President Duterte ang pagtatatag ng departamento para sa mga OFWs pero matatapos na ang term niya, walang naitatag para sa kapakanan ng mga ‘‘bagong bayani’’. Nalimutan na naman sila. Anong nangyari?
Mahalaga ang Department of OFWs para mapangalagaan ang migrant workers. Dahil walang sariling tanggapan ang OFWs, hindi nila malaman kung saan susuling kapag may kaguluhan sa bansang pinagtatrabahuhan. Kapag may pandemya gaya nang nararanasan sa kasalukuyan, walang matakbuhan ang OFWs. Marami sa OFWs ang dumaranas ng pagkaapi, pang-aabuso at malagim na kamatayan sa kamay ng kanilang mga amo.
Kung may sariling tanggapan ang OFWs, mayroon nang pupuntahan ang mga kababayang inabuso, minaltrato, at iba pang nagdaranas ng problema.
Isa ito sa dapat iprayoridad ng mananalong presidente sa May 2022 elections. Huwag ang kalimutan ang OFWs. Dapat silang pahalagahan sa mga nagawang tulong sa bansa para sa pagbangon ng ekonomiya.