EDITORYAL- Tanggalin na ang face shields
Nagpasya ang Metro Manila mayors na dapat nang alisin ang mandatory face shields. Batay sa rekomendasyon nila sa Inter-Agency Task Force (IATF), nararapat nang alisin ang pagsusuot ng face shields maliban sa mga kritikal na lugar gaya ng ospital, health centers at public utility vehicle.
Paniwala ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, hindi na kailangan ang face shields sapagkat majority ng population sa Metro Manila ay fully vaccinated na. Pababa na nang pababa ang kaso ng COVID sa Metro kaya hindi na kailangang mag-face shields ang mga tao.
Una nang nag-utos si Manila mayor Isko Moreno na huwag mag-face shield ang mga tao, pero kailangan pa rin ito kung magtutungo sa ospital, clinic, iba pang medical facility at sa mga matataong lugar.
Mariin namang sinabi ng Malacañang, huwag magmadali sa pagtatanggal ng face shields. Hintayin umano ang kautusan ng IATF at pati na rin ang desisyon ni President Duterte. Binawi naman ng Department of Health (DOH) ang unang pahayag na hindi pa nararapat alisin ang pagsusuot ng face shield. Noong Miyerkules, sinabi ng DOH na sinusuportahan nila ang panukalang gawing voluntary ang pagsusuot ng face shield. Subalit dapat pa ring magsuot kapag nasa public utility vehicles (PUVs) at iba pang matataong lugar.
Ang pagsusuot ng face shield ay ginawang mandatory ng IATF noong Disyembre 2020. Mabisa rin umanong pananggalang ang face shield sa virus. Noong nakaraang Setyembre, sinabi ni President Duterte na ipagpatuloy ang paggamit ng face shield sa mga lugar na kulob, matao at walang ventilation.
Sa aming paniwala, dapat nang alisin ang face shield. Ngayong mababa na ang kaso ng COVID, dapat makapagpahinga na ang mga tao sa paggamit nito. Marami nang bakunado sa Metro Manila kaya wala nang dapat ipangamba. Isa pa, nawawala na ang silbi ng face shield dahil kahit suot ito, inilalagay lang sa ulo. Nagiging dekorasyon na lang ito. Hindi na dapat maging mandatory ang face shield.
- Latest