Nakapili na si President Duterte ng ipapalit kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na magreretiro bukas. Nanghihinayang ako sa pagretiro ni Eleazar sa PNP. Sa aking palagay, siya ang maraming nagawang mabuti para sa PNP kahit maikling panahon lang nanilbihan. Maganda sana kung pinahaba na lang ang kanyang termino bilang PNP chief. Kung bibigyan naman siya ng ibang posisyon sa gobyerno na madalas ginagawa ni Duterte, sana sa ahensiya kung saan siya makakatulong nang husto.
Samantala, binawi ni Sara Duterte ng kanyang certificate of candidacy (CoC) para tumakbong mayor ng Davao City, at inanunsyo na ang kanyang kapatid ang papalit sa kanya. Hindi na bago ang istilong ito. Bagama’t wala pa siyang anunsyo kung ano na ang sunod na gagawin, hindi na nagtataka ang mga tao at ganyan din naman ang istilong ginawa ng kanyang ama noong 2016.
May panukala na nga si Deputy speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na lubusang ipagbawal na ang substitution of candidates. Tila nagiging lokohan na lang daw ang eleksyon dahil sa patakarang ito ng Comelec. May pinahahawak muna sa iba ang posisyon hanggang sa mapalitan ng tunay na kandidato. Mga balidong dahilan na lang ang dapat tanggapin ng Comelec kung sakaling bawiin ng kandidato ang kanyang CoC.
Inanunsyo na rin ng Comelec na may 205 kandidato para sa pagka-presidente, bise-presidente at senador ang maaaring matanggal dahil sa pagiging nuisance candidates. Mga ginagawang lokohan lang ang eleksyon, wala namang intensiyon na tumakbo at mga magdudulot lamang ng kalituhan sa mga botante. Sa Disyembre ilalabas ng Comelec ang huling listahan ng mga kandidato.
Okupado na nga sa darating na halalan ang mamamayan. Nagsimula na ang bangayan sa social media. Umiikot na rin mga kandidato kahit hindi pa opisyal na pangangampanya. Tila nagpapakilala lang muna. May mga advertisement na sa TV at radio kahit hindi sinasabing iboto sila. Wala naman magawa ang Comelec at hindi naman ito labag sa kanilang maga patakaran sa ngayon. Panahon na nga para makilala ang mga kandidato at kung sino ang dapat manungkulan ng susunod na anim na taon.