Puwedeng patunayan ng governor ng Quezon na hindi niya pinuprotektahan ang isang konsehal na idinemanda ng rape ng isang 18-anyos na katulong. Ito ay kung hindi na makikialam si Gov. Danilo Suarez sa hearing ng kaso laban kay Lopez Councilor Arkie Yulde.
Nauna kasing inakusahan ng biktima at ng ina nito si Suarez at ang anak niyang abogado ng panunuhol ng P3 milyon kapalit ng pag-uurong ng demanda. Pero tinanggihan ng mag-ina ang alok. Kaya umapela ang grupong tumutulong sa biktima na huwag na lang makialam ang governor o magpakita ng suporta kay Yulde na kumakandidato sa pagka-mayor.
Puwede kasing iugnay ito sa pulitika porke madikit na kaalyado ni Suarez ang konsehal. Komo nalathala na sa mga pahayagan at ibang media outlet ang balita, hindi lang puwedeng i-dismiss ng governor ang kaso bilang pamumulitika kundi dapat niyang patunayang wala siyang kasalanan.
Naniniwala akong walang matinong public official ang lantarang kakampi at puprotekta sa isang inaakusahang kriminal. Pero kung walang aksyon o pagtutuwid ang governor, ito’y magiging malaking dagok sa kanya.
Ang rape victim ay tinutulungan ng Citizens Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling,Inc. sa pamumuno ni Propesor Salvador de Guzman. Sa pahayag sa media, umapela si De Guzman kay Suarez na huwag niyang pakialaman ang pagdinig sa mga kasong kidnapping and serious illegal detention with rape and child abuse na isinampa ng isang pobreng katulong laban sa isang konsehal at mayoralty candidate sa bayan ng Lopez.
Naniniwala si De Guzman na makakamit ng biktima ang hustisya at siguradong igagawad ito ng korte kapag titigil si Suarez na pakialaman ang kaso.