Kalesang kabayo at awto
IKA-PITONG Undas sa buhay ko nu’n nang sa wakas, isinakay kaming magkapatid ni Ina sa kalesa. Maraming buwan namin siyang kinulit; atubili siya kasi peligroso at marumi raw ang sasakyan. “E bakit sa mga kuwento mo nu’ng bata ka palagi ka namang nagka-kalesa?” usisa namin. Wala na siyang magawa dahil pupunta kami sa matrapik na North-La Loma-Chinese Cemeteries sa Manila. Mahirap iparada ang kotse namin. Pinapag-maong na pantalon kami, kapit sa isa’t isa, at huwag lalapit sa sako sa ilalim ng puwit ng kabayo. Inalkohol pa ni Ina ang upuang tabla bago mag-“hiya!” ang kutsero. Sigawan kami sa galak, kinukumusta ang mga estranghero at itinuturo ang kung anu-ano’ng tanawing madaanan.
Pang-siyam na pasahero ang kalesa; tatlo sa harap kasama ang kutsero, tapos anim na magkatalikuran sa hulihan. Singko sentimos ang kadalasang pasahe, bata o matanda; puwedeng makipagtawaran kung marami ang magka-grupong sumakay.
Nagulat kami nang, pagdating sa gate ng sementeryo, bumababa si Lola sa isa ring kalesa. Nakapustura siya, baro’t saya, may panuelo at pamaypay. Sa usisa namin, ipinaliwanag ni Ina na, para sa matandang henerasyon, malaking event ang tulad ng Undas kaya dapat pagbihisin miski sa kalesa lang sasakay, na nakagawian nila.
Pauwi ang sinakyan namin ay “AC” o auto-calesa. ‘Yon ang orihinal na jitney, bago magkaroon ng mahahabang PUV na gawang Francisco, Sarao o Atendido Motors. Mga iniwan ‘yon sa Pilipinas ng U.S. Army na MacArthur-type jeeps. Tatlong tao sa harap kasama ang tsuper, at tatluhan din ang magkaharap na helera sa likod. Binubungan ng canvass, kinutsunan ang upuang bakal, at nilagyan ng daanan at hagdan ng pasahero. Singko sentimos ang pasahe; libre kung kandong na bata o sabit lang sa labas. Hindi kailangan pumustura. Tinawag na auto-calesa dahil automobile siya, pang-siyam na tao, parang kalesa.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest