EDITORYAL - Philippines, kulelat sa COVID-19 resilience
Mababa ang ranggo ng Pilipinas kung ang kakayahan sa pagtugon sa pandemya ang pag-uusapan, Batay sa inilabas na pag-aaral ng Bloomberg, bumagsak sa ika-52 puwesto ang Pilipinas sa Resilience Ranking. Sa pag-aaral ng Bloomberg, tiningnan nila ang kakayahan ng 53 bansa sa pagharap sa pandemya at tatag ng ekonomiya ng mga ito. Nakakauha ng score na 45.3 ang Pilipinas. Kasunod naman ng Pilipinas ang pinakakulelat na Argentina na may score na 37. Nangunguna naman ang U.S., New Zealand, Switzerland, Israel at France.
Ang iba pang mga bansa na may mababang ranking ay ang Malaysia (46.6), India (47.7), Indonesia (48.2), Colombia (48.6), Pakistan (50.7), Bangladesh (51.3), Peru (51.4), at Taiwan (52.1). Ginamit na indicators sa pag-aaral ang dami ng mga taong nabakunahan, mga isinagawang lockdown, dami ng mga namatay at positivity rate.
Kamakailan lang, naglabas din ng pag-aaral ang Nikkei Asia sa 121 bansa kaugnay sa pagtugon sa pandemya. At mas matindi ang pagkakulelat ng Pilipinas sapagkat nasa pang-121 na puwesto at may mababang score na 30.5 percent.
Umalma naman ang Malacañang sa report ng Bloomberg. Hindi umano nagpapabaya ang pamahalaan. Ginagawa umano ang lahat ng paraan para matugunan at malabanan ang pandemya. Sinisikap umano ng pamahalaan na mapababa ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 at nang mabuksan nang tuluyan ang ekonomiya ng bansa. Lagi umanong nakatutok ang pamahalaan sa kalusugan ng mamamayan. Pinaiigting umano ang vaccination program para maabot na ang target na 70 percent ng populasyon. Unti-unti na rin umanong bumabangon ang ekonomiya ng bansa at makababawi na sa lalong madaling panahon.
Ang resulta ng pag-aaral ng Bloomberg at Nikkie Asia ay hindi dapat ikasama ng loob ng pamahalaan. Sa halip, gawin itong hamon sa pamamagitan ng pagpapaigting pa sa vaccination program. Maaring nababagalan sila sa vaccination program. Kamakailan, sinabi ng World Health Organization na marami pang rehiyon at probinsiya ang hindi nahahatiran ng bakuna. Marami pang residente ang hindi nababakunahan. Ayon pa sa WHO, hindi parehas ang distribution ng bakuna.
Hindi maiaalis na may makitang depekto ang Bloomberg at Nikkei Asia sa ginagawa ng Pilipinas sa pagtugon sa pandemya. Ang dapat gawin, bilisan ang kilos na may kaugnayan sa vaccine rollout. Ito lang naman ang nagiging problema. Kapag nagawa ito, wala nang maipipintas ang sinumang nag-oobserba.
- Latest