Mga artistang kumandidato — dapat bang iboto?
Kunwari’y hindi pandemya at naglalakad ka sa gitna ng kalsada. May pamilyar na mukha kang makikita—kapamilya, kaklase, taong nakita mo na sa telebisyon, pelikula, o kaya nama’y isa sa mga viral vlog sa internet. Natural na mapapalingon ka sa kanya, diba? Ganito rin ang dahilan kaya mas pinipili ng mga tao ang mga artista, beauty queen, o atleta sa balota. Mas pamilyar o mas kilala, kaya ibig bang sabihin ay mas mapagkakatiwalaan mo rin?
Maraming celebrities man ang nauna nang sumabak sa pulitika, mukhang mas mapaparami pa ngayong paparating na halalan. Ayon kay Political Science professor at analyst na si Dr. Jean S. Encinas-Franco na isa sa mga panauhin sa aming Pamilya Talk Election Special, posibleng dahil sa pagsasara ng pinakamalaking multimedia network sa bansa—ang ABS-CBN -- napagtanto ng mga artistang importanteng makilahok sa larangan ng pulitika. Nagdesisyon ang ibang celebrities na tahakin ang public service dahil na rin sa napakalaking epekto sa kanilang career ng pandemya at shutdown ng ABS-CBN.
“Ang tingin ko, itong COVID and nearly two years na itong lockdown, medyo nakita nila na kailangan din silang makilahok sa usapin ng entertainment industry, kasi naapektuhan sila. Matindi rin ang epekto sa kanila, hindi lang sila, kundi yung mga tao na nag-re-rely sa entertainment industry. Also, iyong nangyari sa ABS-CBN is also a lesson for them,” pahayag ni Dr. Encinas-Franco.
Ayon naman sa mga celebrity na may experience na sa pagsabak sa pulitika, hindi laging bentahe ang kasikatan. ‘Pag mas sikat, mas lapitin daw ng intriga. Kaya naman, kapag hindi nag-ingat sa pangangampanya o hindi naging maayos sa trabaho, mas madali ring masira sa mata ng publiko.
“Iyong advantage, malaking naitulong sa’kin noon sa pagkampanya ko bilang congresswoman. May disadvantages din, dahil konting kibot mo, konting galaw, kumbaga public figure ka talaga bukod sa pagiging politiko. May mga pagkakataon na kailangan ka nilang sukatin sa mga bagay-bagay na madali ka nilang mahuhusgahan,” sambit ng aking dating kasamahan sa trabaho na si Laguna 3rd district representative Sol Aragones. Tumatakbo ngayong gubernador ng Laguna ang dating ABS-CBN reporter.
Wala naman daw kwenta ang kasikatan kung hindi naman daw natutugunan ng celebrity ang mga pangangailangan ng kanyang nasasakupan. Nasa competence pa rin daw ito, ayon pa sa dating aktres na si Aiko Melendez na naging Quezon City 2nd district councilor.
“Voters right now are wiser and they’ve matured in terms of picking the right candidate for them,” sabi ni Melendez na ngayo’y kandidato naman bilang 5th district councilor sa QC.
“Ang unang impression nila sa ‘yo is pagkakaguluhan ka. Pero, now that we are in a pandemic, what people are looking for is someone who can help them, not just for today.”
Pero ang tanong: Sapat na ba ang mga napapanood natin sa TV at nababasa sa social media para masukat ang galing ng ating mga kandidato? O baka naman ang napapansin lang natin ay yung mga may pondo at makinarya para ipakilala ang kanilang sarili ?
Sabi nga ni Ronald Holmes, presidente ng private pollster na Pulse Asia, “Sino ang nakakapagpamalas ng kakayanan, sino ang nakakapagpaalam sa tao ng kanilang kakayanan? Kung ikaw ay isang commentator o artista na ang imahe mo sa pelikula ay tumutulong sa masa, mas malaki ang ganansya nun kaysa sa isang senador na gumawa ng maraming batas na hindi naman masyadong nakikita.”
May likas na lamang talaga ang mga galing sa showbiz, dagdag pa ni Holmes. “Ang disadvantage noong senator na performing, hindi siya laging napapakita. Ibang lebel ng impormasyon ang nakukuha. Iyon ang ating problema, lalong-lalo na noong nagsimula ang political advertisements since the 1990 elections. Talagang mapapagastos ka para mapakilala sarili mo. Pero sila (popular figures, gaya ng celebrities at influencers), hindi na kailangan kasi talagang household name na mga yan.”
Sa pagsulpot ng mas maraming kilalang pangalan sa darating na halalan, paano ba natin masisiguro na tayo’y magiging mapanuri pagdating sa pagpili ng ating mga susunod na pinuno? Ito ang maipapayo ng mga eksperto:
1. Mag-research!
Ngayong alam na nating lyamado ang mga artista kaysa sa iba pang mga pangalang makikita sa balota, dapat siguro’y mas hasain pa natin ang ating critical thinking sa pamamagitan ng pag-research.
Ayon pa kay Dr. Encinas-Franco, “Syempre, natural lang na ma-gwapuhan tayo. Merong mga kandidato rin na hindi artista pero magaling magsalita. Pero siguro, ang tignan natin ay iyong track record, at someone who will make us proud again to be Filipino.”
2. Tukuyin kung sino ang may kapareho mo ng paniniwala at paninindigan
Tanungin nang paulit-ulit ang sarili kung aligned kayo ng iyong kandidato pagdating sa inyong values at agenda.
Paliwanag ni Holmes, “Dapat talagang isipin nila ano yung gusto mong mangyari sa iyong buhay, at kung ano yung maitutulong ng tatakbo. Kasi kung ang iyong aspirasyon ay kakaiba doon sa tulak ng tatakbo, eh di huwag mo iboto. I think the alignment of your interest and the interest of the collective where you belong should be more important than the popularity of your candidate.”
3. Mag-imbestiga o mag-“stalk” sa kanila sa internet at social media
Magbasa-basa at maging mas mapanuri pa. Andyan ang mga official government site kung saan naka-saad ang mga batas at proyekto ng mga dati nang nanilbihang opisyal. Pagdating sa mga first time celebrity candidate naman, intindihing mabuti ang kanilang mga plataporma sa pamamagitan ng pagbabasa ng iba’t-ibang online sources—siguruhin munang credible ang mga ito. Suriin din ang kani-kanilang mga social media account para sa kanilang mga statement tungkol sa mga isyu sa lipunan.
“Kasi available naman lahat yung nakaraan nila on social media, lalo na yung polisiyang sinuportahan nila o hindi sinuportahan. Nagsasalita ba ito sa mga issues? Mayroon ba siyang sinabing kasinungalingan? Ilang beses na ba siya nagpalit-palit ng partido? Pwedeng gamitin ang social media. Pupuntahan nila yung website ng House of Representatives and Senate, nandun ang mga panukalang batas, nag-ho-hold ba ng hearings ito, absentee senator ba siya?” paggagabay pa ni Dr. Encinas-Franco.
4. Maging mapagmasid
May mga political aspirant raw galing showbiz na sigurado nang kakampi sa mga dati nang maimpuwensiyang political figure. Mutually beneficial relationship nga naman ito, ayon pa sa isang pag-aaral tungkol sa “parasocial interaction” ng University of the Philippines.
Sabi ni Dr. Encinas-Franco na nagbanggit ng pag-aaral na ito, “Ang ginawa niya, mineasure niya, tiningnan niya kung may effect yung endorsement ng celebrities. Doon sa study niya, meron. Nakakatulong sa kandidato na pulitiko tapos inendorse ng celebrity. Halimbawa, si Sarah Geronimo before kay Angara. Hindi naman ganung kalaking effect, pero nakatulong.”
Maging mapanuri rin sa social media channels gaya ng Facebook, TikTok, at YouTube kung saan laganap ang political ads, ayon pa kay Holmes. “Sa akin, parati kong sinasabi sa estudyante ko, huwag magpaloko. Iboto yung totoo.”
Panapos naman ni Dr. Encinas-Franco, dahil nga magiging makaysaysayan daw ang susunod na halalan, kailangang bigyang halaga ang ating bawat boto. “Napakahalaga nitong eleksyon na ito. Ito ang magbibigay sa atin ng direksyon kung makakaahon pa tayo dito sa COVID, at kung paano makakarecover ang ating economy. Sana huwag nating gayahin yung mga pulitikong hindi ginagawang sagrado yung electoral process. Seryosohin natin ang pagboto.”
------
Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00pm Monday, Tuesday and Wednesday). Please share your stories or suggest topics at [email protected]. You can also follow and send your comments via my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Twitter and Kumu.
- Latest