Tatlong taong gulang ang munting kompanyang Moderna nu’ng 2013 nang kontratahin ng gobyerno ng America na saliksikin ang messenger-RNA na bakuna. Sa halagang $25 milyon, ang produkto ay pangontra sa biological warfare. Nagbunga ang pag-aaral makalipas ang walong taon. Ang mRNA vaccine ng Moderna ang pinaka-mabisa – 95% efficacy – sa walong bakuna na panlaban ngayon sa pandemyang COVID-19.
Sa teknolohiyang mRNA, tuturuan ng “messenger” na itinurok sa braso ang katawan na gumawa ng protein o piraso nito na hawig sa tunay na C-19 coronavirus. Kapag matunugan ng antibodies ng tao na may alien protein, agad lalabanan ito at bubuo ng army ng antibodies para pangontra sa ibang darating pang kalaban. Ganun nagkaka-immunity o panangga ang katawan. Kapag naimpekta ang bakunado ng totoong C-19, handa na ang antibodies sa bakbakan.
Messenger-RNA rin ang bakuna ng Pfizer-BtoNTech, gawang America at Europe. Mas mababa nang konti ang efficacy – 90%. Halos ang dalawang mRNA lang ang itinurok sa America at Canada. Deep-freeze ang pam-preserve ng vials.
Iba ang tradisyonal na bakuna na inimbento 200 taon na ang nakalipas. Sa lumang paraan, pinahina, pinatulog o pinatay na virus at bacteria mismo ang itinuturok. Ganundin, agad itong lalabanan ng antibodies, na magpaparami pa para handa sa iba pang kalaban. Dahil malamya lang ang virus o bacteria na itinurok, madali itong magapi – para magkaroon ng immunity ang katawan.
Anim ang tradisyonal na bakuna sa C-19: AstraZeneca, Novavax, Johnson & Johnson/Janssen, Sinovac, Sinopharm, at CanSino. Ang efficacies nila ay naglalaro sa 51-78%. Ordinaryong freezer lang ang sisidlan. Lahat aprubado ng World Health Organization, maliban sa CanSino. Sa Canada at Spain napatunayan na mas mabisa paghaluin ang tradisyonal at mRNA. (Bukas: Sinaunang paraan ng pagbakuna)