Si Almario ay nakipagkasundo kay Vicky na gawing subdivision ang kanyang lupang may sukat na 10,158 square meters, ngunit hindi pa ito titulado at rehistrado sa Torrens System. Ayon sa kasunduan, papatituluhan ni Almario ang lupa samantalang unti-unting ginagawa ni Vicky ang subdivision. Kasama rin sa kasunduan nila na ipagbibili ni Vicky ang mga lote sa subdivision at ang mapagbilhan ay paghahatian nila ni Almario.
Nang matatapos na ang subdivision at makaraang gumastos si Vicky ng P45,000 nagkasira ang mga partido sa kasunduan dahil umano’y ayaw tanggalin ni Almario ang kanilang bahay na daraanan ng kanal.
Dahil dito, kinansela ni Almario ang kontrata kay Vicky. Sa kabilang dako, idinemanda naman ng mag-asawang Vicky at Tommy sina Almario at asawa nitong si Minda upang ipatupad ang kontrata. Matapos ang paglilitis nagpasya ang hukuman laban kay Almario at pabor kay Vicky. Inapela ni Almario ang desisyon ngunit natalo hanggang Korte Suprema.
Hindi pa rin tumigil si Almario. Pagkaraan ng dalawang taon, siya naman ang nagdemanda kina Vicky at Tommy upang pawalang bisa ang kontrata. Hiniling naman nina Vicky at Tommy na pawalang saysay ang demanda ni Almario sapagkat ang usaping ito’y napagpasyahan na ng hukuman sa unang kasong isinampa nila laban kay Almario. Sinalungat ito ni Almario. Hindi raw pareho ang unang kaso sa pangalawang kasong isinampa niya. Sa pangalawa raw kaso, hindi kasama ang asawa niya. At ito’y tungkol sa hindi pagtupad ni Vicky sa kontrata samantalang ang una’y tungkol sa pagpapahinto kay Vicky na ipagpatuloy ang kontrata. Tama ba si Almario?
MALI. Pareho ang mga partido at interes ng pinag-uusapan sa dalawang kaso. Ito’y tungkol sa kontrata ng paggawa ng subdivision. Hindi mahalaga na sa unang kaso’y kasama ang asawa ni Almario. Hindi kinakailangang parehung-pareho ang mga partido sa dalawang kaso. Ang magkadamay na kapakanan ng bawa’t partido ay sapat na. Kung parehong ebidensiya ang kinakailangan sa dalawang kaso, ang desisyon sa unang kaso ay magiging hadlang sa anumang susunod na kasong isasampa tungkol dito. Kaya tama lang na pawalang saysay ang kasong sinampa ni Almario (A. Cruz vs. Court of Appeals et. al. G.R. No. 135101 May 31, 2000).