^

PSN Opinyon

Paano maging ‘responsible content creator'?

KasamBuhay - Jing Castañeda - Pilipino Star Ngayon
Paano maging ‘responsible content creator'?
Sa usaping cultural sensitivities sa internet, karaniwang dehado ang mga marginalized group na hindi masyadong maimpluwensya online para ipagtanggol ang kanilang sarili. Halimbawa na lang dito ang isyu nina Apo Whang Od at Nuseir Yassin.
Nas Daily’s YouTube account

Hindi lingid sa kaalaman natin ang pagdami ng content creators nitong mga nakaraang taon. Dahil nga demokratiko ang teknolohiya, milyon milyon na ang nawili sa paggawa ng kani-kanilang content online. Sa bawat labas ng content na ito, layunin ng marami ang maging viral. Yung ibang influencers, napagkakakitaan pa nga ito.

Sa ‘ting bansa na kinoronahang world’s social media capital, patok na patok ang mga influencer. Sa nilabas na survey ng Rakuten Insight noong Oktubre ng nakaraang taon, napag-alaman na 86.3% ng respondents ay naka-follow sa isang social media influencer o higit pa. Malaki raw ang impluwensya ng mga content creator sa buhay ng bawat online consumer—mula sa pananamit na dapat isuot, gadgets na dapat bilhin, o kahit pulitiko na dapat iboto.

Sa dami ng content ngayon, ang tanong ng marami: Paano nga ba maging responsableng content creator?

Sa aming Pamilya Mondays episode, nakausap ko ukol dito sina Creator and Influencer Council of the Philippines (CICP) founder na si Donald Lim, KUMU streamer at host na si Justine Pena, veteran journalist at University of the Philippines Diliman professor na si Danilo Arao, at debunking and reaction video creator na si Nico David.

1. Simulan ang pagiging responsable sa paksa

Walang maliit o malaking content. Ito ang dapat itatak sa isip ng mga content creator sa simula pa lang. Sa bawat isang pwedeng ilabas, may pwedeng maapektuhang manonood. Kaya naman, dapat ay wag lang basta-basta ang ating ginagawang online creations.

Sabi nga ni Lim, “You put something out there, you have to be responsible. Every time you post content, kahit isa lang follower mo, you are a content creator, literally, because you created a content with your PoV (point of view). Therefore, I think everyone should be responsible not only as a content creator but by being human and as a person in society.”

Marami nga namang content creators na hindi ito agad naiisip. Sa katuwaan lang kasi nagsisimula ang iba sa social media. Ito’y hanggang naging todo-aktibo na sila dito at ginawa na Itong career.

“When I started, I started with iyong show po ni Alden (Richards), yung Victor Magtanggol, doon po ako nag-start. So I’m just making funny content. Wala naman po akong aim noon, just to make fun of it and kaunting criticism na nakakatawa. And then one thing led to (another), and here I am,” kwento ni David.

Kaya naman nasa responsibilidad ng content creators ang pagiging bukas ang isipan pagdating sa ibang sensitivities tulad ng mga pagkakaiba sa kultura. May iba kasing creators na sa sobrang opinionated sa mga bagay-bagay, nakakasakit na pala sila ng iba. Karaniwang dehado dito ang mga marginalized group na hindi masyadong maimpluwensya online para ipagtanggol ang kanilang sarili.


Halimbawa nalang ang isyu nina Apo Whang Od at Nuseir Yassin.  Ayon pa kay Arao,  “I think the main bone of contention there would be yung sa Whang Od Academy. Wala naman gaanong napag-usapan sa Academy ni Catriona Gray, Jessica Soho, mga brand influencers na nakuha ni Nas Daily. I think iyong isang fundamental na usapin kasi roon... kultura ng mga katutubo. So kung papasok ka sa Pilipinas, dapat may sensitivity ka on the peculiarities of Philippine culture.”

Para mas maliwanagan sa mga sensitibong isyung tulad nito, pinapayuhan ang mga content creator na talakayin muna ito kasama ang kapwa-creators o kaya naman mga kaibigan o kakilala.

Pagbabahagi ni Lim, “Sa CICP, isang beses sa dalawang buwan nagkakaroon ng diskurso ang mga member-influencer at creator para sa mga mahahalagang isyu patungkol sa kanilang hanapbuhay.  Last GMM (general membership meeting), ang pinag-usapan is the role of influencers and creators in the time of the elections.”

Isang mainit na kwentuhan ukol sa code of ethics para sa content creators, kasama sina UP Journalism professor Danilo Arao at YouTube Vlogger na si Nico David.

2. Magkaroon ng ‘voluntary’ code of ethics

Ngayong alam na nating may posibleng maging epekto ang bawat content na ating pwedeng ilabas, sa produksyon na nakasalalay ang susunod na hakbang para maging lubos na responsible content creators. Dito, pinapayuhang magkusa sa pagkakaroon at pagsunod sa isang code of ethics. Sa amin sa media, may code of ethics na sinusunod, para tulungan kaming mapanatili ang aming pagiging patas at walang kinikilingan sa pagbabalita.

Sabi pa ni Arao na isa ring journalist, “Kasi yung isang aspeto rin ng peryodismo, yung tinatawag nating ‘minimizing harm.’ Ang keyword is ‘minimize,’ hindi eradicate harm.”

“Why do we need to minimize harm? Kasi kapag katotohanan yung binabanggit mo, kahit na merong nasasaktan, kahit na merong offended, kung totoo yung sinasabi mo, kailangan mong ipalaganap yan eh.”

Ang mahirap, wala naman talagang code of ethics sa mga content creator —kumpara sa mga tao sa advertising  media. Wala ring batas. Kaya naman, wala ding totoong pressure para sa creators na maging mapagkatotoo sa kanilang content lalo na kung bayad. Nasa “gray area” kadalasan ang mga ito.

Bagkus, nasa ‘ting content creators talaga kung paano tayo maging responsable sa ‘ting mga post. Ayon kay Arao, hindi rin ito bago sa iba pang larangan ng media, gaya ng entertainment, public relations, at blogging. “Hindi naman kailangang maghintay iyong anumang organisasyon para magkaroon ng code of ethics. In your own personal capacity, you can come up with your own guidelines.”

Dagdag naman ni David, minsan ay nasa common sense lang daw ito. At sa pagiging critical thinkers bilang tao.

“Magpost ka ng something publicly—makakasakit ba ito ng tao? If yes, is it worth posting? Sa akin lagi, sa channel ko, I keep it simple.  Pero sinabi nga ni prof [Danilo Arao] dito, meron talagang real talk na tinatawag. I-balance natin yun. Kung makakasakit naman tayo, make sure we are responsible sa consequences noon.”

Himutok ni David na sa kabila nito, nakalulungkot pa rin isiping may content creators na mapang-abuso sa social media. Nanloloko na rin ang iba online para lamang may content na ilabas.

Dahil nga libre at accessible ang maraming impormasyon (salamat sa teknolohiya), nag-aasal na rin ang ibang content creators bilang journalists. Kaya bilang online citizens, responsibilidad din nating maging mapanuri sa ating kinukunsumong mga content. Sumali sa mga diskurso para tuluyan pang palawakin ang ating isipan sa mga bagay na ito, lalo na sa sitwasyon natin ngayon kung saan may pandemya.

Ibinihagi ni Donald Lim, Founder ng CICP, ang layunin ng kanilang grupo.


Bahagi ito ng layunin nating maging tama, totoo, at sensitibo sa mga nalalathalang impormasyon online.

Palala pa ni Lim, hindi lamang responsible content creation ang mahalaga, kundi pati na rin responsible content consumption and responsible content interaction.

--

Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00 p.m. Monday, Tuesday & Wednesday). Please share your stories or suggest topics at [email protected]. You can also follow and send your comments via my social media accounts: InstagramFacebookYouTubeTwitter and Kumu.

INFLUENCER

SOCIAL MEDIA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with