Sentido komun lang ang gagamitin para malaman kung malakas ang isang kumakandidato sa pagka-Pangulo o hindi. Ito ay ang paglilipatan nang maraming pulitiko sa kanyang kampo. Hindi ito nasusukat sa surveys kundi sa dami ng mga tinatawag na political butterflies na gustong maging bahagi ng winning teams.
Sa kasong ito, tila ang winning team sa pagtaya nang maraming pulitiko ay ang partido ni Manila Mayor Isko Moreno na Aksyon Demokratiko. Ayon sa chairman ng partido na si Ernest Ramel, libu-libo nang mga pulitiko ang nagsilipat na sa Aksyon Demokratiko na nanumpa na bilang mga bagong miyembro nito.
Ayon kay Ramel, umaabot na sa 4,000 pulitiko ang naglipatan na sa partidong kinaaaniban ni Moreno bilang Presidential standard bearer.
Ganyan naman talaga ang takbo ng pulitika sa ating bansa. Kung sinong kandidato ang tinatangkilik nang maraming mamamayan, doon lumilipat ang mga pulitiko. Sabi nga, politics is addition.
Ganyan din ang nangyari noong 2016 elections nang magwaging Presidente si Rodrigo Duterte. Nakita rin ang malawakang pagsuporta ng iba’t ibang political party sa bansa dahil nabasa na nila ang lakas ng isang Presidential contender.
Kung tutuusin, taumbayan pa rin ang nagdidikta kung sino ang karapat-dapat maging Presidente at base sa dami ng taong sumusuporta sa isang kandidato, yun ang ginamit na batayan sa paglipat ng mga kandidato.
Sa tingin ko, ang maagang pagpapakitang gilas ni Isko nang unang maupo bilang Mayor ng Maynila ang naging dahilan upang magtamo siya ng paghanga ng taumbayan.