EDITORYAL - DA, dapat kumilos sa smuggling ng mga gulay

Ilang linggo nang namumutiktik sa imported na carrots, luya, repolyo broccoli at cauliflower ang mga palengke sa Metro Manila. Nangangamba ang vegetable farmers na kung magpapatuloy ang pagdagsa ng mga smuggled na gulay mula sa China, apektado ang kanilang kabuhayan.

Ayon sa vegetable farmers sa La Trinidad, Ben­guet, bago pa lang daw sila nakakabawi dahil sa epekto ng lockdown ay nanganganib na naman ang kanilang kabuhayan dahil sa walang tigil na pagpasok ng mga imported na gulay. Dati raw ang order sa kanila ng carrots mula sa Metro Manila ay 300 sako pero ngayon, 100 sako na lamang ang order at maaring mabawasan pa.

Ngayong papalapit na ang Pasko, lalo pang nangangamba ang mga vegetable farmers na du­magsa pa ang mga gulay mula China at talagang maapektuhan na ang pinagkukunan nila ng ika­bu­­­­­buhay. Nanawagan na ang mga samahan ng maggugulay sa Department of Agriculture (DA) na gumawa ng agarang aksiyon sa pagdagsa ng mga smuggled na gulay. Pero wala pa raw aksiyon ang DA.

Una nang sinabi ni Agriculture Sec. William Dar na wala raw silang importasyon ng gulay kaya nagtataka siya sa pagdagsa ng mga imported. Nagbanta si Dar na ipakukumpiska niya ang mga imported carrots at iba pang gulay sa mga palengke sa Metro Manila. Pero nagtataka ang mga magsasaka na marami pa ring imported gulay sa mga palengke hanggang sa kasalukuyan. Wala raw pagkaubos.

Mali ang hakbang ng DA na kumpiskahin ang mga gulay. Ang dapat gawin ni Dar ay kumprontahin ang Bureau of Customs (BOC) sapagkat sa mga ito dumaraan ang mga produkto. Ayon sa report, sa Subic idinaraan ang mga gulay na galing China.

Maraming corrupt na opisyal at tauhan sa BOC kaya ang mga ito ang dapat imbestigahan kung paano nakakapasok ang gulay. Kung hindi kikilos si Dar para kumprontahin ang BOC, magpapatuloy ang pagbaha ng mga gulay mula China at walang ibang kawawa kundi ang mga lokal na magtatanim ng gulay.

Kailan gagalaw ang DA? Kapag pawang imported na gulay na ang nasa merkado at lugmok na ang mga local vegetable farmers?

Show comments