Isang memorandum ang ipinalabas ni President Duterte na nag-uutos sa kanyang Cabinet members na huwag dumalo sa hearing ng Senado na nag-iimbestiga sa overpriced na COVID-19 equipments. Dahil sa utos, hindi dumalo si DOH Sec, Francisco Duque III sa hearing noong Martes. Katwiran ng Presidente, naaantala ang pagtugon sa pandemya dahil sa pag-iimbestiga ng Senado. Sabi naman ng Senate Blue Ribbon Committee, magpapatuloy ang imbestigasyon sa Pharmally Pharmaceuticals Inc. sa kabila na may kautusan ang Presidente sa mga Cabinet members.
Ang Pharmally ang nakakuha ng P42 bilyong kontrata sa pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Budget and Management-Procurement Service (DBM-PS) para mag-suplay ng personal protective equipments (PPEs) sa Department of Health (DOH). Ang isyu sa Pharmally ay unang ibinulgar ng Commission on Audit (COA).
Lumawak nang lumawak ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon sa kontrobersiyal na isyu. Maraming inimbitahan ang komite na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon para mahalukay ang isyu. Kabilang ang mga opisyal ng DBM-PS sa mga ipinatawag ng komite.
Noon pa nag-utos ang Presidente na huwag sundin ng Cabinet members ang Senado. Nagsalita pa ang Presidente na kapag dinitine ng Senado ang mga miyembro ng Cabinet ay ilalabas niya ang mga ito. Huwag daw sundin ang Senado dahil ipinahihiya ng mga ito ang iniimbitahan.
Kasunod ng pag-uutos niya sa Cabinet members na suwayin ang Senado, binanatan niya si Gordon. Marami siyang sinabi kay Gordon at pati ang Red Cross na pinamumunuan ng senador ay pinaiimbestigahan niya dahil sa mga anomalya. Sagot naman ni Gordon, ginagawa lamang nila ang trabaho sa Senado. Hindi umano siya natatakot sa Presidente.
Nang nagsisimula pa lamang ang hearing ng Senado, sinabi minsan ni President Duterte na walang corruption sa deal ng gobyerno sa Pharmally. Kung walang corruption, bakit ayaw padaluhin ang mga Cabinet members? Ang Presidente na rin ang nagsabi na galit siya sa mga corrupt. Makalanghap lang daw siya ng singaw ng corruption ay sisibakin agad niya ang sangkot na pinuno. Totoo naman na marami na siyang nasibak na corrupt sa pamahalaan.
Bakit ngayon ay iba na ang kanyang tono at ayaw na niyang may mahalungkat sa kontrobersiyal na isyu. Paano malalaman ang katotohanan kung hinahadlangan ang pagdinig ng Senado? Pera ng taumbayan ang sangkot sa usaping ito kaya nararapat malaman ang totoong nangyari.