Lumilitaw na pumapangalawa kay Davao del Norte Mayor Sara Duterte si dating Sen. Ferdinand Marcos, Jr. sa mga taong gustong maging Presidente ng bansa. Pormal nang nagdeklara ng kandidatura sa pagka-President ang batang Marcos na kilala rin sa tawag na BBM. Tatakbo siya sa ilalim ng bandila ng Partido Federal ng Pilipinas.
May winnng chance ba siya? Posibleng malaki ang tsansa niyang manalo dahil marami pa rin ang mga Marcos loyalist na ibig siyang manalo at maging Presidente ng bansa. Pero kung gaano kalakas ang kilusan ng mga loyalista, malakas din ang puwersa ng mga tumututol sa kanyang pagiging Presidente.
Ang dahilan ay ang mapapait na alaala ng mga biktima ng batas militar nang naghahari pa ang kanyang amang si Ferdinand. ‘Yung mga nakulong, tinortyur, at ‘yung mga hanggang ngayon ay nawawala pa rin. Kasama sa mga nasaktan ay ang mga leftists na hinihinalang komunista at mga oligarkong negosyante na hindi nagbabayad ng buwis.
Sa ibang salita, iyan ang mabigat na “stigma” na nakakapit kay BBM. Kahit hindi mo kamag-anak si Marcos at kaapelyido lang, ang pangalan ay may hatid na masamang gunita ng sinasabing “darkest era” in Philippine politics.
Sa mga hindi apektado at nasaktan ng deklarasyon ng martial law, maganda ang buhay sa mga panahong Presidente pa si Marcos. Mura ang mga bilihin. Ang halaga ng pinakamurang bagong kotse ay umaabot lang ng mahigit P50,000. Magpakarga ka ng gasolinang P200 ay full tank na. Kung sumasahod ka ng P5,000 isang buwan, maalwan na ang buhay mo.
Iyan ay sa mga hindi naging biktima. Pero sa mga naapektuhan ng batas militar, si Marcos ay nagsilbing salot na kumitil sa demokrasya. Naniniwala akong walang kinalaman ang anak sa kasalanan ng ama. Tingin ko, may kuwalipikasyon at abilidad si BBM para maging Presidente.
Pero, kung ang kapalit nito ay ang walang humpay na social unrest at pag-aaklas, mas mabuting huwag na lang siyang iboto at pumili ng kandidatong higit na katanggap-tanggap sa nakararami.