Ang donasyon sa pagitan ng mag-asawa habang kasal sila ay ipinagbabawal maliban sa mga simpleng regalo na ibinibigay kapag may okasyon at nagkakasayahan ang pamilya. Pero kung nagsasama lang ang dalawang tao ay iiral din ba ang batas na ito? Ito ang isyu sa kaso nina Teddy at Dely.
Kasal sina Teddy at Dely. Mayroon silang dalawang anak, sina Abby at Don. Sila ang rehistradong may-ari ng isang 350 metro kuwadradong lupa sa isang siyudad sa kanlurang Luzon. Bago nagpakasal si Teddy ay isa na siyang biyudo at maraming anak. Isa na Rito si Mandy na may anak na si Nandy, isa sa mga apo ni Teddy sa unang asawa.
Mahigit 20 taon ang lumipas at gumawa ng kasulatan si Dely. Isinuko niya ang karapatan sa lupa pabor sa asawang si Teddy. At isinulat pa ito sa likod ng titulo. Muling dumaan ang siyam na taon at ibinigay naman ni Teddy ang lupa sa apo na si Nandy na walang pahintulot ni Dely. Hindi nagtagal, isinangla ni Nandy kay Ramon ang lupa na hindi nalalaman ni Dely.
Lumipas ang 30 taon, nagsampa ng petisyon si Teddy sa RTC para mapawalang bisa ang kasal nila ni Dely dahil sa psychological incapacity. Naging pinal ang desisyon at isang kautusan ang nilabas ukol dito.
Dumaan ang tatlong taon, namatay na si Teddy. Gumawa ng kasulatan (extra-judicial settlement with waiver) ang mga naiwang tagapagmana ng ari-arian ni Teddy. Dalawang taon pagkamatay ni Teddy ay nagsampa ng kaso ang anak niyang si Abby para mapawalang bisa ang donasyon at habulin mula kay Nandy ang lupang ibinigay ng lolo nito.
Ayon sa reklamo, isa sa mga anak nina Dely at Teddy ang babae. Ang donasyon daw na ginawa ni Teddy para sa apo nitong si Nandy kapalit ng pagsuko ng karapatan ni Dely ay laban sa kanyang interes bilang tagapagmana. Naapektuhan daw nito ang legalidad ng kanyang pagiging tagapagmana. Isa pa ay parang nakakapagduda ang mga dokumento at tama lang na ipawalang bisa.
Itinanggi naman ni Nandy ang paratang ni Abby na isa sa may-ari ng lupa ay si Dely. Kahit pa nga raw isa sa mga orihinal na may-air si Dely ay isinuko na nito ang karapatan kay Teddy. Samantala, kusang loob naman na ibinigay ni Teddy sa kanya ito.
Kontra sagot naman ni Addy ay isa sa mga may-ari ng lupa si Dely. Wala raw dapat bisa ang pagsuko ni Dely sa karapatan dahil walang naging konsiderasyon para dito. Nagkataon lang at matindi ang naging impluwensiya ni Nandy kay Teddy kaya ibinigay nito ang lupa sa lalaki.
Matapos ang paglilitis ay naglabas ang RTC ng desisyon na nagpapawalang-bisa sa mga kasulatan ng pagsuko ng karapatan (Waiver of rights) at donasyon (Deed of Donation) pati sa titulo ng lupa na nakapangalan kay Nandy. Ipinag-utos din ng RTC na maglabas ng titulo na muli ay nasa pangalan ni Teddy. Kinunsidera ng RTC ang desisyon ng kapwa sangay nito na nagpapawalang-bisa sa kasal nina Teddy at Dely. Naging pinal lang ang desisyon ng korte pagkamatay ni Teddy. Legal daw ang kasal hanggang bago ito pinawalang bisa ng hukuman. Kaya hati ang mag-asawa sa ari-arian. Parehas ang naging hatol ng Court of Appeals. Tama ba ang CA at RTC?
Ayon sa Supreme Court, nagkamali ang RTC at CA sa deklarasyon na may bisa ang kasal nina Teddy at Dely hanggang sa bago namatay ang lalaki. Ayon daw sa mga rekord, ang desisyon ng kabilang RTC tungkol sa pagpapawalang-bisa sa kasal nina Teddy at Dely ay naging pinal, tatlong taon bago pa namatay ang lalaki. Kaya malinaw na nagkamali ang RTC at CA sa deklarasyon na umiiral ang kasal hanggang sa mamatay si Teddy. Mula raw sa umpisa ay walang bisa ang kasal alinsunod sa batas (Art. 36 Family Code).
Dahil nga dineklara ng korte na walang bisa ang kasal mula sa umpisa, nagkamali ang RTC at CA sa pagsasabing hati dapat ang mag-asawa sa lupa dahil hindi absolute community property regime and dapat mamayani. Ibang probisyon ng batas (Art. 147 Family Code) ang dapat sundin kung saan nakasaad na kapag nagsama ang isang babae at isang lalaki na walang basbas ng kasal, hati dapat sila sa lahat ng kita at ari-arian na mapupundar nila.
Pero dapat ding tandaan na sa ilalim ng Art. 87 Family Code, ang donasyon sa pagitan ng dalawang taong nagsasama bilang mag-asawa ay walang bisa maliban kung mga simpleng regalo ang ibinigay sa okasyon ng pagsasaya ng pamilya. Ito ay para maiwasan ang anomalya sa paglilipat ng ari-arian dahil sa sobrang pagmamahal o kaya ay sa sobrang gahaman ng isa.
Kaya walang duda na walang konsiderason sa ginawang pagsuko (waiver) at sa donasyon na naganap. Sa katunayan, kahit umiiral pa ang kasal nila Dely at Teddy pati may sapat na konsiderasyon sa ginawang kasulatan ng pagsuko o waiver ay wala pa rin itong bisa alinsunod sa Art. 1490 ng Civil Code. Hindi puwedeng magkaroon ng bentahan o paglilipat ng ari-arian sa pagitan ng mag-asawa maliban at pormal na silang naghiwalay ng ari-arian.
Dahil walang bisa ang kasulatan ng pagsuko o waiver, natural na walang bisa rin ang ginawang kasulatan ng donasyon ni Teddy kay Nandy dahil mahigpit itong pinagbabawal sa Art. 147 ng Family Code. Hindi uubra ang batas sa ordinaryong pagmamay-ari para bigyan ng legalidad ang donasyon na magkakaroon ng epekto sa parte ng tagapagmana.
Dahil walang bisa ang donasyon, kahit pa nagkamali ang RTC at CA sa property regime sa pagitan nina Teddy at Dely bago pa namatay ang lalaki ay walang bisa pa rin ang donasyon kay Nandy ayon nga sa Art. 147 ng Family Code (Perez Jr. vs. Perez-Senerpida etc., G.R. 233365 (March 24, 2021).