EDITORYAL - Huwag sayangin ang bakuna
Maingat ang pagdadala ng mga bakuna mula sa ibang bansa. Habang ibinababa sa eroplano, iniingatang huwag maalog o kaya’y matagilid ang crate na pinaglalagyan. Maingat ang payload operator para hindi magkamali sa pagkakarga sa mga sasakyan na maghahatid sa vaccine facilities. Sensitibo ang mga bakuna. Kailangan ay may sapat na temperatura dahil kapag nagkulang, masisira na ang mga ito at hindi na mapapakinabangan.
At kung gaano naman kaingat ang mga opisyal ng IATF na pinangungunahan ni vaccine czar Carlito Galvez, may local government unit (LGU) at Department of Health (DOH) officer naman na hindi iniingatan ang mga bakuna. Sinayang lang nila.
Ayon sa report, 10,000 doses ng bakuna ang nasayang dahil sa temperature excursion. Ayon mismo sa DOH, maraming nasayang na bakuna sa storage facility sa Muntinlupa City. Mayroon ding nasayang sa South Cotabato dahil inalis ang pagkakasaksak ng refrigerator na may lamang vaccines.
Matagal hinintay ang mga bakuna pero sasayangin lang pala. Marami ang nagnanais nang mabakunahan pero kulang ang suplay. Karamihan ay gumigising nang maaga at pumipila para makaabot sa cut-off ng babakunahan. Mayroong hindi inaabot kaya umuuwing luhaan. Tapos ngayon ay mababalitaang nasayang dahil sa temperature excursion.
Mula nang kumalat ang Delta variant, marami na ang naghahangad na mabakunahan para may proteksiyon sa virus. Ayon sa report, lahat nang mga tinatamaan ng Delta ay mga hindi pa bakunado. Ganunman, sabi ng Department of Health (DOH) kahit na ang bakunado ay maaari pa ring tamaan ng Delta kaya kailangan ang pag-iingat. Panatilihin ang pagsusuot ng face mask, face shield, maghugas ng kamay at panatilihin ang physical distancing. Sabi pa rin ng DOH, ang mga fully vaccinated ay hindi tinatamaan ng severe COVID. Hindi sila naoospital.
Marami na nga ang gustong magpabakuna pero ang problema, kulang pa ang suplay. Sabi naman ni Sec. Galvez, maraming parating na bakuna ngayong buwan na ito. Noong Sabado, dumating ang Sinovac at Pfizer at marami pa umanong darating. Ayon pa kay Galvez, maaring maabot na ang herd immunity kapag dumagsa ang mga suplay ng bakuna. Baka maging maganda na ang Pasko ng mga Pilipino.
Maging maingat sana ang LGU at DOH officer sa paghawak ng mga bakuna para hindi masayang. Alalahanin na marami pang walang bakuna at balak pa ngayong bakunahan ang mga edad 12-17.
- Latest