(Part 1)
Pumasok na tripulante si Jack sa isang kompanyang nagpapadala ng mga trabahador sa barko. Pagkatapos dumaan sa normal na proseso si Jack at nakapasa sa eksaminasyon na ginawa ng isang manggagamot, nakapagtrabaho siya sa barko, ang POMI.
Natanggap si Jack bilang ikaapat na inhinyero sa barko at ayon sa kontrata, siyam na buwan siyang magtatrabaho at susuweldo siya ng $824 kada buwan. Makakatanggap din siya ng $459 bilang pirmihang overtime pay. Pumirma rin siya sa isang kontrata na nagsasaad na hindi siya maaaring magdala ng alak, droga o kahit ano pang medikasyon maliban na lamang kung may pahintulot ng manggagamot ng kompanya. Dapat munang sabihan ang manggagamot kung mayroon man siyang kailangan. Nakasaad din na ang paglabag sa nasabing kasunduan ay paglabag din sa kontrata niya sa kompanya.
Lulan ng barko sa sumunod na araw, nakaalis si Jack noong Marso 28, 1997. Nguni’t hindi pa natatagalan sa biyahe, nakaramdam na si Jack ng matinding pananakit ng sikmura. Sa sumunod na buwan, inatasan siya ng kapitan ng barko na magtrabaho kahit oras na ng pagkain. Hindi rin siya sanay sa pagkaing binibigay ng barko. Walang epekto kahit pa gumagamit siya ng Cimetidine upang iwasan ang pagbalik ng ulcer. Lumala ang kanyang kalagayan at mabilis siyang nangayayat. Nang dumaong sa Alemanya ang barko, nakiusap na siya upang matingnan sa ospital doon. Ayon sa pagsusuri, bumalik ang gastric ulcer na naranasan niya dalawang taon na ang nakararaan. Pinabalik siya sa Pilipinas noong Hunyo 19, 1997.
Humingi si Jack ng tulong pinansyal sa POMI ngunit hindi siya nito pinagbigyan. ‘Di rin binigay ng POMI ang balanse sa suweldo niya. Dahil dito, nagsampa si Jack ng kaso laban sa kompanya.
Sa argumento ng POMI, si Jack daw ang nagkasala sa kanila. Itinago niya sa kompanya ang tungkol sa kanyang sakit at nagpuslit pa siya ng gamot kaya’t malinaw na nilabag niya ang kontrata. Wala rin daw kinalaman sa trabaho niya ang nasabing sakit. Sinabi rin ng POMI na wala na siyang susuwelduhin dahil nagastos na ito ng kompanya sa ginawang pagpapabalik sa kanya sa Pilipinas. Tama ba ang POMI?
(Itutuloy)