EDITORYAL - DENR, walang aksiyon sa lumalalang air pollution

Ang Pilipinas ay pang-57 sa mga bansang may pinakagrabeng air pollution ayon sa IQAir’s World Air Quality Report. Sa pagsusuri, lumalabas na ang hangin sa bansa ay may particulate matter (PM 2.5). Ito ‘yung maliliit na dust particles na kasama ng hangin na nagmula sa mga usok ng sasakyan, pabrika at mga sinunog na basura.

Kapansin-pansin ang pagiging foggy na kapali­giran ng Metro Manila sa mga nakaraang araw. Iyon ay dahil sa usok ng mga sasakyan. Ayon sa pag-aaral, 80 porsiyento na pinagmumulan ng air pollution sa Metro Manila ay mga hindi namimintinang sasakyan gaya ng mga karag-karag na dyipni, taxi, trak at traysikel. Pinagmumulan din ng pollution ang mga usok mula sa pabrika at sinusunog na basura.

Sa ilalim ng Clean Air Act of 1999, mahigpit na ipi­nagbabawal ang pagsusunog ng mga basura at paggamit ng incinerators. Nawalan ng silbi ang batas kaya ngayon, balik na naman sa may lasong hangin na nabawasan na noong nakaraang taon nang magsimula ang pandemya.

Sa nangyayaring ito, wala namang ginagawang aksiyon ang Department of Environment and Natural­ Resources (DENR) laban sa mga lumalason sa hangin. Wala nang nakikitang nanghuhuli ng smoke belchers. Dati, aktibo ang DENR sa pagdakma sa mga sasak­yang nagbubuga ng maitim na usok. Anyare, DENR?

Nakatuon lang ba sa pagpapaganda ng Manila Bay? Abala ba sa pagtatambak ng dolomite sa dalampasigan na may pondong P389 milyon? Sana, pagtuunan din ang pagpapasariwa sa hangin sa pamama­gitan ng paghuli sa mga lumalabag sa Clean Air Act.

Ayon sa Department of Health (DOH), ang maru­ming hangin ay nagdudulot ng noncommunicable diseases (NCDs) gaya ng allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases.

Ayon sa Greenpeace Southeast Asia, 27,000 Pinoy ang namamatay taun-taon dahil sa pagkakalanghap ng hanging may lason. Araw-araw, nakalantad ang mga Pinoy sa maruming hangin .

Harinawang makagawa ng paraan ang DENR para masolusyunan ang nakalalasong hangin sa bansa, partikular sa Metro Manila. Kung nalinis ang tubig sa Manila Bay, posible rin ang hangin.

Show comments