Noong Huwebes, September 16, sinimulan na naming ipatupad ang granular lockdown sa isang pilot site sa Makati. Ang area ng H. Santos Street sa Barangay Tejeros ay mahigpit na isinara at patuloy na babantayan sa loob ng 14 araw, bilang pagsunod sa guidelines ng IATF.
Kapag sinabing granular lockdown ay wala talagang makakalabas ng bahay. Maging ang mga APOR o authorized persons outside residence ay hindi papayagang lumabas hanggat hindi tapos ang 14 araw na lockdown period.
Ang mga empleyado at trabahador na kailangan sanang pumasok ay bibigyan ng notice para sa kanilang mga kompanya o employer. Nakasaad dito na ang kanilang tirahan ay sakop ng granular lockdown kaya hindi sila pwedeng makapasok sa trabaho.
Mabigat ang desisyong ito ngunit pinili naming gawin alang-alang sa kaligtasan ng nakararami.
Kailangang isagawa ang granular lockdown sa mga lugar na may tumataas na kaso para agad na matukoy, maibukod, at magamot ang mga maysakit. Bukod sa mapipigilan ang pagkahawa ng ibang kasama sa bahay at komunidad, mas maaagapan din ang kondisyon ng may sakit.
Hindi na natin hihintayin pang umabot sa punto na kailangang i-oxygen o tubuhan ang ating mga pasyente. Kapag maaga silang nabigyan ng gamot ay maiiwasan ang paglala ng kanilang kondisyon. Iniiwasan natin na mas marami pang buhay ang mawala. Ang mga pasyente natin ay mga nanay, tatay, anak na may mga mahal sa buhay na maiiwanan at mauulila.
Bago pa man ang lockdown ay inihanda namin ang mga food pack, COVID home care kits, at swab testing kits. Nag-deploy din kami ng mga miyembro ng Public Safety Department (PSD) para umalalay sa mga residente. Ang mga PSD ang tatanggap ng deliveries, bibili ng mga pangunahing kailangan, at tutulong sa iba pang concern ng mga residente sa loob ng granular lockdown area.
Nagsasagawa rin nang malawakang antigen swabbing sa lockdown area. Ang mga nag-positive sa unang test ay muling sasailalim sa RT-PCR test. Kasabay nitong gagawin ang contact tracing upang ma-test din ang lahat mga indibidwal na nakasalamuha ng mga nag-positive.
Pilot test pa lamang ang H.Santos sa Barangay Tejeros. Patuloy na mino-monitor ng Makati Health Department ang pagdami ng kaso ng COVID sa bawat barangay. Sila ang magrerekomenda para i-evaluate ang lugar at magdeklara rin ng granular lockdown. Hindi aabisuhan ang mga nakatira sa ila-lockdown na lugar, kaya makabubuting iwasan muna ang pagdalaw sa mga kamag-anak o kaibigan na taga-ibang lugar. Kapag inabutan kayo ng granular lockdown, tatapusin ang 14 araw bago kayo papayagang umuwi.
Nais kong magpasalamat sa ating mga Makatizen sa patuloy na pagsuporta at pagsunod sa ating mga health and safety protocols. Napakalaking tulong nito sa pamahalaang lungsod sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa Makati.
Patuloy tayong magdasal para sa kaligtasan at mabuting kalusugan ng bawat isa.