EDITORYAL- Online selling ng mga baril

Mula nang magkapandemya, nauso ang online selling ng mga pagkain, damit, appliances at iba pa. At ngayon na malapit na ang election, mayroon na ring online selling ng mga baril na ang mga parukyano ay mga private armed group. Kailangan ang baril para mapangalagaan ang mga tatakbong pulitiko at para na rin matiyak ang panalo.

Sa susunod na buwan ay magpa-file na ng kandidatura ang mga tatakbo sa May 2022 elections. Ang kasunod ay ang kanilang pangangampanya. Sa pangangampanya, nakaaamoy na maaaring magkaroon ng kaguluhan sapagkat ngayon pa lang, naglulutangan na ang mga baril para sa private armed groups (PAGs). At ginagawa ang bentahan ng baril online. Pati ang bayaran, sa online na rin.

Noong nakaraang Miyerkules, nabisto ng Philippine National Police (PNP) ang mga matataas na kalibre ng baril sa isang bodega sa Quezon City. Kasunod niyon, sinalakay din ang isang bodega sa Sta. Maria, Bulacan na naglalaman ng mga matataas na calibre ng baril. Ang mga baril ay hindi pa naaasembol at pawang nasa mga kahon.

Sabi ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, pinag-utos na niya sa Anti-Crime Cybergroup ang masu-sing pag-iimbestiga sa bilihan online ng mga baril. Paiigtingin umano nila ang kampanya sa loose firearms lalo pa at malapit na ang election.

Siguradong maglulutangan ang mga baril sapagkat ito ang ginagamit para makakuha ng boto. Gagamitin ng mga pulitiko ang private armed group para maghasik ng kaguluhan at para mamayani sa election.

Sa kasalukuyan, marami pang PAGs sa Mindanao at sa hilagang Luzon. Kabilang sa binabantayan ang PAGs sa Maguindanao na hindi malansag sa pagdaan ng panahon. Ganunman, sabi ng PNP malaki na ang ibinawas ng PAGs sa nasabing lugar. Marami na umanong nalansag ang PNP sa nasabig probinsiya.

Samsamin ng PNP ang mga baril ng mga pribadong grupo. Kasabay sa pagtutok sa online sale ng baril, dakmain din ang mga nagmamay-ari ng loose firearms. Huwag hayaang mamayani ang PAGs sa elections. Kung walang mga baril, walang dadanak na dugo at magiging mapayapa ang elections.

Show comments