Amoy patay sa Quezon Province Medical Center
Nakababahala ang mga larawan na aking natanggap sa email na nagpapakita sa mga bangkay ng COVID victims na nakatiwangwang sa pasilyo ng Quezon Medical Center at nangangamoy na. Tinatawagan ko ng pansin ang provincial government at pamunuan ng ospital. Bakit nangyari ang ganyan? Malamang pamugaran pa ng mga mikrobyo ang mga bangkay na iyan at magpalubha sa sitwasyon.
Sa larawan, ang mga bangkay ay isinilid lang sa body bags at hinahayaang mabulok sa ground floor ng Annex Building ng Quezon Medical Center. Sa first floor na mismo ng ospital nakalagak ang mga nabubulok na bangkay katabi ang mga kuwarto na kasalukuyang ginagamit bilang silid para sa CT Scan, 2D Echo, at blood bank.
Umaabot na ang baho ng mga naaagnas na bangkay sa second floor. Nandito rin sa palapag na ito ang stay-in quarters ng mga nurses na naka-duty at mga silid para sa mga nagpopositibo at nagpapagaling sa COVID-19. Sa third floor naman ay matatagpuan ang mga opisina tulad ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), Department of Health (DOH), at ilan pang tanggapan.
Ayon sa aking impormante, nagpatawag naman ng pulong si Governor Danilo Suarez para masolusyunan ang problema pero nakakadismaya na tila walang malinaw at konkretong solusyon na nailatag.
Batay sa report ng probinsiya para sa ika-12 ng Setyembre, nakapagtala ng panibagong 153 COVID cases ang probinsiya: Catanauan – 6, Dolores – 1, Gumaca – 20, Patnanungan – 5, Polilo – 3, Sariaya – 12, Tagkawayan – 6, Burdeus – 7, Calauag – 7, Candelaria – 10, Dolores – 2, Gen Nakar – 4, Infanta – 11, Lucena – 30, Pagbilao – 11, Real – 14, at San Antonio – 4.
Umaabot na ayon sa tala sa 18,701 ang gumaling sa sakit habang 1,079 naman ang namatay dahil sa COVID-19 sa naturang lalawigan.
- Latest