EDITORYAL - Kaligtasan ng mga bata
Maraming bata ang tinatamaan ng COVID-19. Ayon sa report, maski sanggol ay nahahawa na rin. Kaya balak ng Food and Drug Administration (FDA) na isama na sa bakuna ang mga batang edad 12-17. Hinihimok na ng FDA ang local government units (LGUs) na simulan na ang pagrerehistro sa mga bata para mabakunahan ang mga ito.
Sabi ni FDA director-general Eric Domingo, nararapat nang simulan ang pagrerehistro sa mga bata para nakahanda na ang mga ito sa sandaling magkaroon ng sapat na suplay ng bakuna. Ayon kay Domingo, kapag nabakunahan ang mga bata, madaragdagan ng 12 hanggang 14 na milyon ang bilang ng mga nabakunahan sa bansa.
Wala nang pinipili ang virus kaya nararapat lamang na mabakunahan na ang mga bata para may proteksiyon. Noong nakaraang buwan, maraming bata ang na-admit sa Philippine General Hospital (PGH) dahil sa COVID. Mayroon pang sanggol na nagpositibo sa virus.
Mas makabubuti kung uunahing bakunahan ang mga bata sa National Capital Region (NCR) sapagkat ito ang epicenter ng COVID. Patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID sa NCR. Noong Sabado, naitala ang 9,061 na kaso sa NCR. Sobrang mataas ito na nalampasan pa ang kaso noong nakaraang Abril na 6,063.
Ayon sa OCTA Research Group, posibleng umabot sa 30,000 ang arawang kaso ng COVID bago matapos ang Setyembre. Ang daily average ng kaso ay 20,000. Noong nakaraang Setyembre 6, pumalo sa mahigit 26,000 ang kaso. Pinakamataas ito mula nang manalasa ang pandemya noong Marso 2020.
Paigtingin ang pagbabakuna, hindi lamang sa mga bata kundi sa lahat na. Sabi naman ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. may sapat nang suplay na bakuna at marami pang paparating. Itodo na ang pagbabakuna lalo sa Metro Manila para magkaroon ng proteksiyon ang mamamayan. Marami na ang gustong magpabakuna para maproteksiyunan ang sarili. Ayon sa report, nasa 53 percent na ang nagnanais mabakunahan. Hindi na sila nag-uurong-sulong sa pagpapabakuna. Napatunayan na ang mga bakunado ay hindi nagkakaroon nang malubhang COVID at hindi rin naoospital.
Isipin ang kaligtasan ng mga bata. Simulan na ng LGUs ang pagrerehistro sa kanila.
- Latest