ANG bata sa kasong ito ay si Sunshine na 8-anyos lang nang mangyari ang insidente. May cerebral palsy siya at limitado lang ang galaw. Dalawang taong gulang pa lang si Sunshine ay nasa pangangalaga na ang bata ng kanyang Lola Nida na kumuha pa ng yaya para sa kanya.
Nakatira may 600 metro ang layo mula kay Nida ay ang anak niyang si Liezel at mister nitong si Dennis. May 1-taong gulang silang anak na si Kael. Estudyante pa lang si Liezel at maagang nag-asawa kaya madalas niyang ipagkatiwala ang anak sa nanay niya na si Nida at sa yaya nito para kay Sunshine. Isa naman si Ricky sa kapitbahay nila na madalas ay lasing at laging gumagawa ng gulo sa barangay.
Nangyari ang krimen limang araw lang pagkatapos kumuha ng bagong yaya si Nida para kay Sunshine — si Mira. Si Mira ay isang magandang babae. Noon ay nasa bahay din ni Nida si Kael dahil dapat ay papasok sa eskuwela si Liezel. Pero imbes pumasok, naisipan ni Liezel na mag-aral na lang sa bahay at pagkatapos ay pumunta sa bahay ng ina para magpadede sa anak.
Bandang alas diyes ng umaga, pumunta na siya sa bahay ni Nida pero pagpasok niya sa sala ay nakita niyang nakahiga sa sahig si Sunshine at nakaharap sa dingding. Pilit na pumipihit ang bata papunta sa kanya at parang may gustong sabihin.
Noon napansin ni Liezel ang nakalawit na binti ni Mira. Nakahiga ang babae sa kama. Hubad at puro dugo ang ulo at katawan nito. May mga hiwa pa sa suso ang babae. Patay na at katabi nito na nakasubsob sa kama ang bangkay ni Kael. May sugat ito sa ulo at umaagos ang dugo sa ilong.
Lumabas ng bahay si Liezel at sumisigaw na tinawag ang asawa. Bumalik sila sa bahay ni Nida na panay pa rin ang tili ni Liezel. Dalawa sa kanilang kapitbahay ang sumaklolo at tumawag ng pulis na dumating bandang 11:00 ng umaga. Nakita at nakuha ng mga pulis ang isang bote ng Coke litro na may semilya ng lalaki sa bunganga nito pati isang kahoy na ashtray sa tabi ng kama kung saan natagpuan ang bangkay ng yaya at sanggol. (Itutuloy)