99 bata sa bahay-ampunan nagka COVID-19
MANILA, Philippines — Nagpositibo sa COVID-19 ang 99 na bata sa isang bahay ampunan sa Quezon City.
Ito ang iniulat kahapon ni Mayor Joy Belmonte na ayon sa kanya, bahagi lamang ng kabuuang bilang na 122 na tinamaan ng COVID sa Gentlehands Orphanage sa Barangay Bagumbuhay na ang 51 dito ay mga bata na may edad 2-anyos hanggang 10 anyos; at 48 dito ay may edad 11-anyos hanggang 18-anyos at 23 dito ay matatanda.
Sa impormasyon ni Dr. Rolando Cruz, Quezon City’s Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) chief, di-umano ay mayroong isang bumisita sa bahay ampunan na asymptomatic COVID positive na nagresulta sa hawaan at ngayon ay outbreak.
“Kailangang mapanatili ng mga ganitong closed long-term care facilities ang mahigpit na protocols dahil kahit isang kaso lang ang makapasok sa kanila ay madaling mahahawa ang lahat,” paalala ni Cruz.
Ipinaalala rin niya na maaaring makasuhan ang hindi susunod sa minimum public health protocol kabilang na ang paglabas ng bahay kahit na asymptomatic pa sa COVID-19.
Nagpaabot na ng tulong ang lokal na pamahalaan sa apektadong pasilidad.
Mahigpit ding imomonitor ang kalagayan ng mga bata at isasailalim sa mas masinsinan pang contact tracing at swab testing.
- Latest