WALA nang takot ang sindikato ng droga ngayon. Sa halip bumahag ang buntot, lalo pang naging notorious. Nakakapagpasok sila nang maraming droga sa bansa kasabwat ang mga corrupt sa pamahalaan. Kahit may pandemya, tuluy-tuloy ang kanilang drug business. Mula Marso 2020 na nagsimula ang pandemya, hanggang sa kasalukuyan, tone-toneladang shabu na ang naikakalat ng mga sindikato ng droga.
Hindi nakapigil sa kanila ang lockdown, bagkus lalo pang naging mabangis sa pagpapalawak ng drug business. Halos araw-araw ay may nakukumpiskang shabu ang pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang mga naaaresto at napapatay ay mga Chinese.
Noong Martes, apat na Chinese drug traffickers ang napatay ng Zambales PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang drug operations sa Candelaria, Zambales. Nakuha sa mga napatay na Chinese ang 500 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P3.4 bilyon. Ang shabu ay nakalagay sa mga sako ng fertilizer at natagpuan sa isang resort. Ito ang pinakamalaking drug haul ngayong taon, ayon sa PDEA. Ang mga napatay ay mga miyembro ng transnational drug trafficking organization. Tatlong buwan na minanmanan ng PDEA at Zambales PNP ang sindikato. Ayon sa mga awtoridad, nagmamay-ari ang mga ito ng iba’t ibang negosyo na ginagawang front, kabilang ang resort at fishpond sa Zambales.
Iniulat kamakailan ng United Nations, na “business as usual’’ na uli ang drug traffickers. Masigla na naman ang negosyo ng mga ito batay sa taunang world drug report ng UN. Nagpahinga pansumandali ang drug traffickers dahil sa pandemya pero muli na namang aktibo.
Pero kahit na tuso at magaling ang drug traffickers, hindi pa rin nila malilinlang ang mga tapat na pulis at PDEA agents gaya nang nangyari sa Zambales. Dahil sa dedikadong pag-surveillance ng mga pulis at PDEA sa apat na Chinese, napatay ang mga ito at nakumpiska ang 500 kilos ng shabu. Kung hindi nabawi ang shabu, marami itong sisiraing buhay.
Paigtingin pa ng PNP at PDEA ang pagmamanman sa drug traffickers. Ibuhos pa nina PNP chief Guillermo Eleazar at PDEA chief Wilkins Villanueva ang husay sa pagdurog sa mga salot ng lipunan. Iligtas ang bansa at kabataan sa illegal na droga.