EDITORYAL - Delikado ang mga tinapong face masks
PATAAS nang pataas ang bilang ng COVID-19 cases. Noong Lunes, naitala ang mahigit 22,000 kaso. Ito na ang pinakamataas mula nang manalasa ang pandemya sa bansa noong nakaraang Marso 2020.
Hindi maiwasang isipin na may konektado ang pagtaas ng kaso sa mga nagkalat na pandemic wastes gaya ng used face masks na kung saan-saan na lang itinatapon ngayon.
Mula nang manalasa ang pandemya noong nakaraang taon, hindi lamang mga plastic na basura ang makikita ngayon sa kalsada kundi pati na rin ang mga ginamit na face masks. Itinapon ang mga ito sa kalsada ng walang disiplinang mamamayan sa halip na ilagay sa isang selyadong basurahan. Dahil tapon lang nang tapon, hindi nakapagtatakang kakalat pa ang COVID-19.
Isa rin sa pinanggagalingan ng face masks na nagkalat sa kalsada ay mula sa garbage truck. Dahil hagis lamang nang hagis ang mga basurero sa kinukolektang basura sa bawat bahay sa Metro Manila, hindi na nila binibigyang pansin kung malaglag man ang inihagis na basura na ang laman ay ginamit na face masks. Mas mainam na tiyakin na nakatali nang mahigpit ang garbage bag bago ibigay sa mga basurero para hindi malaglag ang mga laman.
Hindi lamang sa kalsada makikita ang mga nagkalat na face masks kundi pati na rin sa mga estero. Kapag bumaha, tatangayin ng agos ang mga face masks na tinapon sa kalsada at hahantong sa estero o mga sapa. Mula rito, hahantong ang basurang face masks sa dagat kasama ang iba pang basurang plastic.
Ebidensiya na nakarating na sa pusod ng dagat ang face masks ay nang makunan ng scuba divers ang mga ito na nasa sea bed at ang iba pa ay nasa corals. Patunay na ang kawalang disiplina sa pagtatapon ng face masks ay naghahatid na rin ng pinsala hindi lamang sa pamayanan kundi pati na rin sa mga yamang dagat. Hindi na nakapagtataka kung ang mga balyena ay nakakakain na rin ng face masks at maaaring ikamatay ng mga ito.
Dumami ang walang disiplina sa pagtatapon ng basura at lumubha ngayong may pandemya. Hindi na naisip na delikado kung basta na lang itatapon sa kung saan-saan ang mga ginamit na face masks. Dapat maghigpit sa pagtatapon ng pandemic wastes upang hindi kumalat ang sakit. Dapat kumilos ang local government units (LGUs) at Metro Manila Development Authority ukol dito.
- Latest