SA Oktubre 1-8, 2021 ay filing na ng certificate of candidacy (COC) ng mga tatakbo para sa national at local elections sa May 9, 2022.
Ang campaign period para sa President, Vice President, senator, at party-list groups ay mula Peb. 8, 2022 hangggang May0 7, 2022. Para sa mga members ng House of Representatives at regional, provincial, city, at municipal officials, ang campaign period ay magsisimula sa Marso 25, 2022 at magtatapos sa Mayo 7, 2022.
Tiyak na naghahanda na ang mga kandidato lalo sa pangangampanya. Kanya-kanyang diskarte sa pangangampanya na tiyak na magkakaroon ng pagbabago dahil sa pandemya. Maraming ipatutupad na kautusan para masunod ang health protocols sa pangangampanya at maiwasan ang kumpulan.
Kung naghahanda ang mga kandidato sa nalalapit na election, tiyak na naghahanda na rin ang private armed groups (PAGs). Tuwing election, naglulutangan ang PAGs na nagsisilbi sa mga pulitiko. Dahil sa mga grupong ito kaya nagkakaroon nang madugong election sa bansa. Ginagamit sila ng mga pulitiko para mapanatili ang kapangyarihan.
Dahil sa PAGs kaya walang tigil ang kaguluhan sa bansa, partikular na sa Mindanao na tinatayang 12 grupo ang nag-ooperate. Naghahatid ng pangamba ang pamamayagpag ng pribadong armadong grupo sa Mindanao. Tiyak na babaha ang armas sa rehiyon dahil sa PAGs. Buhay na buhay ang gunrunning activities.
Ayon sa National Task Force for the Disbandment of Private Armed Groups (NTF-DPAGs) walong private armed groups na nag-ooperate sa Maguindanao at General Santos City ang kanilang nabuwag sa unang tatlong buwan ng 2021.
Sabi ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar, ipinag-utos na niya ang crackdown sa private armed groups sa iba’t ibang lugar sa bansa. Inatasan na niya ang police commanders na paigtingin ang security measures laban sa PAGs. Ipinag-utos din niya ang pagsamsam sa mga hindi lisensiyadong baril.
Lansagin ang PAGs. Huwag silang hayaang mamayagpag. Dahil sa mga grupong ito kaya madugo ang eleksiyon.