Katawa-tawa ang Philippine politics. Kapag walang makitang balidong isyu para gibain ang kalaban, tinitira ang pisikal na kapintasan. Tulad ng pagbatikos ni President Duterte sa estilo ng buhok ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson at katabaan ni Sen. Dick Gordon. Si Lacson pa lang palibhasa ang naghayag ng intensiyong tumakbo sa Panguluhan.
Pinuna nina Lacson at Sen. Dick Gordon ang sobrang “tongpats” o overpricing sa pagbili ng mga personal protective equipment kaya kinainitan sila ng Pangulo. Pero ang pansinin natin ay ang kaipokritahan ng ilang pulitiko na in-denial pa. Kitang-kita naman at halatang-halata sa kanilang galaw ang intensiyong maging Presidente pero todo-tanggi pa kung uusisain.
Totoo ito partikular na sa mga gustong tumakbo sa pagkapangulo. Ang tanging sagot nila kapag tatanungin ay “sa tamang oras ko sasabihin.” Tanging si Lacson pa lang ang nagpahiwatig nang malinaw na siguradong sasabak siya sa Presidential race.
Malakas na ang presensiya ni Lacson sa social media. Tumatatak sa isipan ng netizens ang mga mensahe niya sa mga social media platforms ng kanyang mga supporter. Nailahad na ni Lacson ang mga prayoridad sakali mang siya ang maging Presidente. Tingin ko, mahalaga ang maagang pagpapabatid sa tao ng interes na pamunuan ang bansa. Ito ay para maagang suriin ang kalidad ng mga kandidato.
Iyan sana ang gawin ng ibang pumupustura sa pagkapangulo. Ilatag ang malinaw na agenda at plataporma para misusing suriin ng mamamayan. Tapatan o hihigitan pa ang mga solusyon na inilatag ni Ping para maresolba o maharap ang mabigat pa ring problema ng bansa sa pandemya. Tama na ang luma at bulok na estilo ng pagsayaw-sayaw at pagkanta sa mga political rallies. Wika nga, iharap ang plataporma at huwag puro porma.