Daan patungong #TBFreePH

Isa sa mga layunin ng kampanya ng DOH na #TBFreePH ay ang linawin sa publiko kung ano ang mga maling impormasyon o haka-haka tungkol sa TB at ang paggamot nito. Photo Courtesy: Dept of Health #TBFreePH campaign
DOH #TBFreePH campaign

Dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, mas naramdaman pa ng marami kung gaano kapanganib ang respiratory infections—o mga sakit na may kaugnayan sa ating paghinga. Base nga sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO), noong Disyembre 2020, naitala ang chronic obstructive pulmonary disease at lower respiratory infections bilang pangatlo at pang-apat na pangunahing dahilan ng pagkamatay sa buong mundo.

Kabilang sa lower respiratory infections na ito ang tuberculosis (TB). Matagal nang misyon ng maraming bansa ang pagsupil sa TB. Noong 2019 nga lang, 1.4 milyon ang nasawi dahil dito. Sa taong yun, may 100 million total cases naman. Bukod sa HIV/AIDS, ang TB nga raw ang pinakapangunahing nakamamatay na sakit na dulot ng single infectious agent.

Sabi naman ng WHO, may 2% namang pagbaba sa bilang ng mga kaso kada taon, o 9% mula 2015 hanggang 2019. Halos kalahati ito ng kanilang naunang target na 20% na pagbaba mula 2015 hanggang 2020.

Nakatutulong nga ang mas malawakang paghahatid ng impormasyon ukol sa TB. Marami kasing mga maling akala ukol sa TB, lalo na sa mga probinsiya at mga liblib na barangay.

Nasaan na nga ba tayong mga Pilipino sa ating misyong kontra TB?

Ayon sa 2017 report ng Department of Health (DOH), may 27,000 na namatay sa 581,000 na Pilipinong may active TB ng panahong yun. Sa datos na ito, mas pinaigting ng DOH ang kanilang adhikang supilin na nang tuluyan ang TB sa bansa. Noong Agosto 2019 nga, nakipagtulungan ang ahensya sa WHO, ang United States Agency for International Development, at ang Global Fund—para supilin nang tuluyan ang TB sa atin.

Sa aming “Pamilya Talk” episode  nakapanayam ko ang National Tuberculosis Program (NTP) Manager ng DOH na si Dr. Anna Marie Celina Garfin para malaman ang kasalukuyang estado ng ating laban kontra TB.

Ano nga ba TB?

Mula ang TB sa Mycobacterium tuberculosis, isang bacteria na karaniwang tumatama sa baga. Nakukuha ito mula sa paghinga ng hanging kontaminado na ng ubo, bahing, o dura na galing sa isang taong may TB.

Pwedeng magkaroon ang isang tao ng latent TB (milder type na hindi nakakahawa) o active TB (serious type na nakakahawa, mas mapanganib, at nagdadala ng napakaraming delikadong mga sintomas).

Ano ang mga sintomas ng TB at kapareho ba ito ng sa COVID-19?

Bagama’t parehong respiratory infections ang TB at COVID-19, may mga pagkakaiba naman ang mga ito sa sintomas. Kasama sa mga pangkaraniwang sintomas ng TB ang ubo (na pwedeng umabot sa dalawang linggo o higit pa), lagnat, pangangayayat, at pagpapawis sa hapon o gabi. Mas kakikitaan naman ang COVID-19 ng dry cough, pamamaga ng lalamunan, at pagkawala ng panlasa/pang-amoy.

Pwede raw dumapo nang sabay ang dalawang sakit, kaya mas lalong pinag-iingat ang mga may TB sa panahon ng pandemya. Parehong baga kasi ang inaatake ng dalawang sakit.

Sino ang pwedeng dapuan ng TB?

Ayon sa WHO, bagama’t mga matatanda ang karaniwang nabibiktima ng TB, hindi pa rin ligtas ang mga tsikiting. May 1.2 milyong kaso nga raw ng mga bata ang naitala noong 2019. Mas ibayong pag-iingat naman ang inirerekomenda sa mga may HIV, sa mga kulang ang nutrisyon, at may iba pang mga kundisyon sa kanilang immune system. Mas madali raw silang kapitan ng sakit, pati na rin ang mga madalas manigarilyo at uminom ng alak.

Nakababahala ring sa mga developing countries gaya ng Pilipinas mas talamak ang TB. 95% daw ng mga kaso ay sa ganitong mga lugar galing, ayon sa WHO.

Libre ang screening at gamot para sa TB. Nagpakalat ng mobile vans ang Department of Health sa mga komunidad para mabilis na ma-screen ang mga posibleng may TB.
Department of Health #TBFreePH campaign

CAPTION: Libre ang screening at gamot para sa TB.  Nagpakalat ng mobile vans ang Department of Health sa mga komunidad para mabilis na ma-screen ang mga posibleng may TB.  Photo Courtesy: Dept of Health #TBFreePH campaign

Nagagamot ba ang TB?

Isang matinding oo!

Ayon kay Dr. Garfin, nagagamot ang mga mas mahinang klase ng TB lalo na kung mas maagang naagapan.

“Kung merong may TB sa bahay, mabuting mabigyan agad sya ng gamot. Pag umiinom ng gamot, within two weeks, 90% ng TB bacilli sa lungs ay napapababa.”

Kaya naman daw para maiwasan, dapat mas palakasin pa ang resistensya.

“Pumasok man ang TB bacilli sa ating katawan, nariyan ang immune system to protect us.”

Umaabot naman sa anim na buwan o higit pa na gamutan para sa mga mas grabeng kaso, dagdag ni Dr. Garfin.  Kailangan ding kumpletuhin ang mga gamot at tapusin ang panahong inilaan sa paggagamot dahil posibleng natutulog lang ang bacteria sa katawan.

Libre sa mga public health center ang mga screening at medisina para sa TB. Umaabot na sa 3,600 ang bilang ng treatment facilities sa bansa, ayon sa DOH.

Kumusta na ang pagtugon ng DOH sa TB?

Sabi ng DOH, “On track” ang Pilipinas sa layunin ng pamahalaan na makagamot ng 2.5 million TB cases pagdating ng 2022. Target nilang maging TB-free na ang bansa sa taong 2035.

Ayon nga kay Dr. Garvin, noong 2020, nasa 200,000 TB cases na lang tayo, 40% na mas mababa ito mula sa 400,000 noong 2019.

Bukod naman sa mga libreng screening at gamot, kasama sa istratehiya ng gobyerno ang pagsuyod sa mga komunidad ng DOH mobile vans para makahanap at magamot ang mga kaso ng TB. 

High-tech na rin ang DOH dahil sa mga app na inilunsad para makatulong sa programa.

Unang-una riyan ang Integrated Tuberculosis Information System (ITIS) Mobile at ITIS Lite apps na nagtatala ng bilang ng TB cases sa buong bansa, sa tulong ng impormasyong galing sa public and private providers. Nakatutulong ito sa pagtuklas ng mga outbreak at pagsubaybay sa mga paggaling. Siniguro naman ng DOH na confidential ang mga impormasyon ng mga pasyenteng nakatala dito.

End TB App Suite - to download, visit: ntp.doh.gov.ph/apps
High-tech na ang DOH! Naglunsad ito ng mga libreng TB apps para sa programa.

Sa Race TB app naman nasusubaybayan ang mga proyekto ng mga iba’t-ibang lugar at rehiyon sa Pilipinas na tumutugon laban sa TB. Sa Guide TB naman nakikita ang latest na mga balita sa mga polisiyang may kinalaman sa kontra TB campaign.

Pwede namang makipag-ugnayan ang mga pasyente, care providers, at advocates sa isa’t-isa sa Care TB app, pagdating sa mga impormasyon at isyung may kinalaman sa sakit. Bilang panghuli, sa Lead TB naman pwedeng magparating ang mga partner groups ng kanilang pagsusuri sa mga polisiya ukol sa TB at mga rekomendasyon para mas maging epektibo pa ang mga ito.

Pwedeng ma-download ang lahat ng apps nang libre.

Saan na tayo patungo?

Ayon sa WHO, may 60 milyong na ang nailigtas mula sa TB simula 2000 hanggang 2019. Ito’y dahil maagang naagapan ang mga sakit bago pa man lumala o kumalat ito.

Kaya naman, hiling ni Dr. Garfin at ng DOH, sana mas lalo pa raw tulungan ng publiko ang gobyerno sa paghahanap at paggagamot sa mga kaso ng TB sa kanilang komunidad. Bukod dito, dapat daw tumulong din tayo sa pag-alis sa stigma sa sakit na ito.

“Yung isang TB case, makaka-infect ito ng 10-12 persons in a year ‘pag di sya nahanap at naagapan. Tuloy-tuloy lang ang pag-transmit ng disease. Kaya dapat bigyan agad ng treatment.”

“Ang challenges sa program, nahihiya ang isang tao na may TB. Di sila pumupunta sa health center. Wag po tayong mahiya. Pag-usapan natin to. Unlike COVID-19 na hanggang supportive treatment pa lang, ang TB po ay nagagamot.”

--

Please watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube, and Kumu (@JingCastaneda – 5:30-7:00pm Monday, Tuesday & Wednesday). Please share your stories or suggest topics at jingcastaneda21@gmail.com. You can also follow and send your comments via my social media accounts:  InstagramFacebookYouTubeTwitter and Kumu.

Show comments